HINDI pa umiinit ang puwet ni Senior Supt. Romulo Sapitula bilang hepe ng Las Piñas City Police ay nagpakita agad ng kasipagan hindi lamang kay Mayor Vergel “Nene” Aguilar kundi sa buong mamamayan ng lungsod. Sa unang linggo pa lamang niya e, napuno na ng mga hinihinalang kriminal ang selda ng Las Piñas City Police matapos ang sunod-sunod na anti-criminal campaign. Nang dumalaw ako sa kanyang opisina, marami akong narinig na reaksyon sa mga datihang pulis. Hindi raw pangkaraniwang police officer si Sapitula matapos na ikalat sila sa lahat ng sulok ng lungsod na hindi nila naranasan sa mga nagdaang opisyal. Hindi na kasi umubra ang kanilang pagbubulakbol na dati na nilang nakagawian dahil araw at gabi silang niro-rollcall.
Subalit saglit lamang ang kanilang tampong pururot dahil nang makilala nila ang tunay na Sapitula ay naging malapit na sila sa isa’t isa. At ngayon, kabilang sila sa mga inirerekomenda ni Sapitula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na mabigyan ng spot commendation sa tuwing maganda ang kanilang trabaho. Ganyan ang tamang opisyal na dapat na pamarisan sa hanay ng Philippine National Police, hindi yaong puro sarili lamang ang kanilang iniaangat sa madlang people.
Katulad na lamang noong Nob. 19 kung saan naaresto ang dalawa sa apat na riding-in-tandem holduppers na nakilalang sina Paul Balbuena at Christopher Remegio ng grupo nina CInsp. Jandale Sulit at Sr. Insp. Rodrigo Espiritu ng Intelligence Section. Hindi basta-bastang kawatan sina Balbuena at Remegio. Inamin nila sa mamamahayag na sila ang lumimas ng collection remittance ng LBC Express Padala outlet sa iba’t ibang lugar sa Parañaque at Las Piñas. Sila rin ang nangholdap ng Lending Institution sa Bacoor, Cavite, Westley Construction Supply sa Zapote Plaza at robbery hold-up and carnapping sa Barangay CAA.
Sa Oplan Sita naman na isinagawa ng mga tauhan ni Sapitula nalambat naman ang riding-in-tandem na hinihinalang miyembro ng Bonet Gang na sina Julius Balwarte at James Fernandez. Nakuha sa mga ito ang isang 45 caliber, balisong at bonet. Hindi rin nakaligtas kina Sapitula ang mga Budol-Budol Gang na sina Edgardo Sun, Nickie Boy Reyes at Agerico Macias. Noong Nob. 23, nasakote naman ang isang Gyrofer Bergonia na responsable sa panghoholdap sa mga internet café at pananaksak sa ilan nitong biktima.
Ngayon ay kapalagayan na ng buong tropa ng Las Piñas City Police si Sapitula at magkatuwang na silang sawatain ang mga salot sa lungsod.