'Kambal tuko'

PAPASOK mula sa ‘outer lane’ ang isang single na motor nang mahagip umano ng isang sasakyan.

Sumemplang ang motor at tumilapon ang drayber. Nagulungan ang kanyang kaliwang paa. Humarurot papalayo ang sasakyan habang ang drayber ay iniwan sa ‘side walk’ na namimilipit sa sakit. Nawalan siya ng malay.

Ito ang sinapit ni Joselito “Lito” Roxas. Pitong buwan nang nakakaraan mula ng mangayari ito subalit hangang ngayon hindi pa rin niya alam kung saan hahanapin itong drayber.

Si Lito ay isang ‘collector’ ng samahang Couples for Christ (CFC), Kapitolyo branch. Mula taong 2003 miyembro na siya ng CFC. Naging Project Assistant siya sa main branch nito sa Greenhills mula taong 2003-2009.

Buwan ng Nobyembre 2009 ng mailipat siya sa Kapitolyo. Inassign siya sa ‘cooperative appraisal’.

Ika-22 ng Mayo 2010 ng mapunta si Lito sa Filinvest, Quezon City. Inutusan siya ng CFC na mag-‘credit investigate’. Mula Quezon City, nakaugalian na niyang dumaan sa Fairview pauwi lulan ng kanyang ‘single motorbike’.

Bandang alas-9:00 ng umaga habang binabaybay niya ang kahabaan ng Fairview, mula sa ‘extreme right’, ‘outer lane’ marahan umanong pumasok si Lito sa ‘inner lane’ sa ‘fast lane’ ng mangyari ang insidente.

Wala umanong rumespondeng pulis traffic. Mabuti na lamang tinulungan siya ng mga Barangay North Fairview. Sinakay siya sa ‘mobile’ ng barangay at diniretso sa Philippine Orthopedic Hospital (POH).

Dito pa lang nilapatan ng paunang lunas si Lito. Inex-ray ang kanyang kaliwang paa niya. Natuklasang bali ang ‘lower bone’ nito. Sinabihan siya ng doktor na kailangan operahan at palitan ng bakal ang nabaling buto.

Gustuhin man niyang agad ipaopera ang paa, walang pera si Lito. Naging ‘out-patient’ siya sa POH. Pansamantala siyang nagpagaling sa bahay.

Ang kapatid ni Lito na si Guduardo ang nag-asikaso ng reklamo. Pumunta siya sa Traffic Enforcement Unit, Section 5.

Inilagay nila sa complaint na nakilala ng mga saksi sa insidente ang sasakyan at ang plate number ng nakabangga kay Lito. Isa umanong jeep na may rutang Zabarte-Quezon Ave. at may plakang PJV603. Ayon ito kina Jake dela Peña, ang gasoline boy ng Total Gas Station at ng isang security guard ng Everlasting Bus Line.

Nang malaman nila ang ganitong impormasyon nagpunta sila sa Land Transportation Office upang beripikahin kung kanino nakarehistro yung plate number ng sasakyan.

“Nagulat kami ng malaman naming isang L300 Van at hindi isang pampasaherong jeep ito. Lumalabas sa doku­mentong nakuha namin narehistro ito kay Adella L. de Ramos ng Candelaria, Quezon Province,” sabi ni Lito

Inuna muna ng pamilya ni Lito ang pagpapaopera sa paa nito nung Ika- 2 ng Hulyo 2010 sa St. Vincent, Marikina City.

Nilagyan ng bakal ang kanyang ‘lower-left leg bone’. Umabot ng humigit kumulang Php100,000 ang ginastos niya sa ospital.

Laking pasasalamat ni Lito at tinulungan siya ng iba niyang kapatid sa CFC at nabayaran niya ang bill.

Apat na buwan ang hinintay ni Lito bago makalakad. Hangang ngayon sumasailalim pa rin siya sa ‘therapy’.

Bumalik na rin siya sa kanyang trabaho sa CFC subalit iba na ang kanyang ginagawa hindi na siya kolektor.

“Magagaang trabaho pa lang ang pwede sa akin hangga’t di pa ko lumubusang gumagaling. Hindi na ako kasing produktibo gaya ng dati,” sabi ni Lito.

Gusto ni Litong habulin ang sasakyang bumangga sa kanya at kung ano ang misteryong bumabalot dito. Kung ito ba’y isang jeep gaya ng sabi ng mga testigo o ito ba’y L300 van gaya ng nasa rekord sa LTO. Naisipan niyang magsadya sa aming tanggapan upang malaman ang legal na hakbang na maari niyang gawin.

Itinampok namin ang istorya ni Lito sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, iba’t ibang anggulo ang maaring pumasok sa usaping ito. Una, dahil sa gulo at korapsyon sa LTO Transportation Office hindi malayo na sa isang plaka dalawang sasakyan ang nakarehistro. Ang tawag dito ay ‘clone plates’ (kambal). Pangalawa, maaring tama ang plate number na nakuha ng mga testigo subalit hindi naman pampasaherong jeep ang kanilang nakita kundi L300. Pangatlo, nanakaw ang plate number ng sasakyan ni Mrs. Adella de Ramos at ito’y ikinabit sa isang ‘colorum’ na jeepney. Kaya hiniling namin kay Atty. Randy Basa ng Public Attorney’s Office­ (PAO) na sulatan si Mrs. De Ramos upang tanungin ang tungkol sa rehistro at plaka ng kanyang L300 van.

Anuman ang sagot na kanyang maibibigay dito magsisimula ang imbestigasyon at legal na hakbang na maaring gawin ni Lito.

Gusto rin naming manawagan sa mga motorista at ‘pedes­trians’ na nandun sa ‘scene of the incident’ baka naman meron kayong impormasyon na makakatulong kay Lito upang mapanagutan naman ang tunay na may kasalanan ang nangyari sa kanya. Maaaring makipag-ugnayan kayo sa aming staff na si Monique Cristobal ng “Hustisya Para Sa Lahat” at ‘Calvento Files’ sa lalong madaling panahon. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming PLDT 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.  

* * *

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments