PANAHON na ng kapaskuhan. Panahon na naman ng kasiyahan, pagbibigay ng mga regalo at pagkita-kita ng mga kapamilya’t kaibigan. At siyempre, maramihang kainan na naman! Kaya lang, may nakakainis na nangyayari na puwedeng maapektuhan ang kasiyahan ng mga mamimili itong kapaskuhan. Nagiging laganap na kasi ang pagbenta ng ‘botcha’ o yung may sakit o patay na baboy na kinakatay at binebenta pa!
Ang iba ay niluluto o nililitson na para matago ang katotohanan na ‘botcha’ nga ang mga ito! May mga piggery kasi sa Bulacan na nahulihan ng tone-toneladang ‘botcha’. Mga ibang bahagi nung baboy ay tila ginagawang sisig para maitago na ‘botcha’ nga ang ginamit na karne.
Wala naman daw peligro na malilipat ang sakit ng mga baboy sa tao kapag nakakain ng ‘botcha’. Pero sino ba ang may gustong kumain ng baboy na may sakit o patay na? Sino ba ang may gustong kumain ng karne na masangsang ang amoy!
Hindi mabibigat ang mga multa at parusa sa mga nagbebenta nito, maging sa piggery kung saan kina-katay o sa mga nagbebenta sa palengke. Kaya patuloy ang pagbenta nito. Mas mura kasi. Eh sa Pilipinas, kahit anong bagay o pagkain, basta mura, tiyak na may bibili! Kung mabibigat ang multa at parusa sa mga magbebenta ng ‘botcha’, baka mabawasan na ang mga ganitong klaseng karne sa mga palengke. Nakakainis isipin na may mga walanghiyang negosyante na walang pakialam kung ano ang mangyari sa mga tao, basta maging pera lang ang kanyang mga bulok na karne.
Paano ka makakapagsaya ngayong Pasko kung tatamaan naman ng food poisoning dahil sa ‘botcha’? Kaya alamin na rin kung paano masasabi kung sariwa nga ang karne, o ‘botcha’ na ang binibili mo. Sa amoy, sa kulay at sa presyo malalaman na ito. Para sigurado, kayo na lang ang magluto ng nabiling karne.