MATAGAL-TAGAL ding namayagpag ang mga carnapper na ang mga binibiktima ay mga balikbayan. Marami-rami nang naka-carnap ang grupo bago kumilos ang Philippine National Police (PNP). Hinayaan munang makapagnakaw ng sasakyan bago napag-isipang dakmain. At kung hindi pa raw naispatan ng mga Tollway Patrol ang isang sasakyang nabangga sa Paranaque ay hindi matutuklasan na mga carnapper pala ang sakay. At ang sasakyan na ginagamit ay yung kinarnap sa C5 Libis, Quezon City. Itinawag ng Tollway Patrol sa PNP ang pangyayari at nagkaroon na ng habulan. Nahuli sina Felimon Borillo at Jeffrey Martinez mga miyembro ng “Bundol Gang”. Saka pa lamang tuluyang gumalaw ang galamay ng pulisya at inginuso na nina Borillo at Martinez ang iba pa nilang kasama.
Iglap lang ay naaresto sina Allan Arestorenas, lider ng Bundol Gang at si Robert Bonzon sa kanilang hideouts sa Pasay City. Hindi na nakaporma ang dalawa nang hulihin ng mga pulis. Ayon sa Highway Patrol Group (HPG) babagsak din sa kanilang mga kamay ang ilan pang miyembro ng Bundol Gang.
Kaya naman palang dakmain ang mga miyembro ng grupo ay kung bakit hindi agad tinarbaho. Kaya palang tuntunin ang mga pinagtataguan ay hinayaan pang makapangkarnap ng 12 sasakyan ngayong taon na ito. Pawang mga mamahaling SUV ang kinakarnap ng grupo na ang modus ay bubundulin nila ang target na sasakyan. Kapag bumaba ang may-ari o drayber, tututukan ng baril at saka tatangayin ang sasakyan. Kadalasang ang target nila ay mga sasakyang sumusundo sa airport. Gaya ng Montero Sports na inagaw sa mag-asawa na sumun- do sa kanilang anak sa airport. Binundol nila habang nasa C5 at nang bumaba ang may-ari, tinutukan ng baril. Nang tangayin ang sasakyan nila, tangay din ang pera at ang mga mahahalagang gamit.
Pero sa pagkakaaresto sa Bundol Gang, hindi pa masasabing tapos na ang problema at wala nang aalalahanin ang mamamayan. Tiyak na marami pang grupo ng carnapper at nagpapalamig lang para sumakay. Hindi dapat manahimik ang PNP sa pagkakataong ito. Nasimulan na ang pagdurog sa mga carnapper, lubus-lubusin na. Ubusin na sila!