MADALAS kong maisulat ang obserbasyon ni dating Presidential Anti-Graft Commission chairman Eufemio Domingo tungkol sa mga Pilipino. Galit na galit daw tayo sa katiwalian. Pero kilig na kilig tayo kapag dumadalo ang mga tiwali sa ating mga binyagan, kaarawan at kasalan. Kaya’t hindi masawata ang korapsiyon.
Hindi lang ‘yan ang salu-salungat na pag-iisip o katuwirang Pilipino na nagpapagulo sa bansa at nagpapahina sa karakter. Halimbawa:
l Sinasabi nating karapatan ng isang misis na itrato ng mabuti ng mister, at lumaban kapag inaapi. Pero kapag celebrity ang humiwalay sa asawa, halimbawa si Kris Aquino dahil kinakaliwa, sinisisi natin siya.
l Gusto natin bawat bayan, kung puwede nga bawat barangay, ay merong tambakan ng basura na hiwalay ang nabubulok at di-nabubulok. Pero ayaw natin kung malapit ito sa bahay natin.
l Sobra kung pahalagahan natin ang loyalty sa kapamilya. Para sa atin, hindi dapat isuplong ang wanted criminal ng sariling magulang o kapatid. Pero kung fraternity brother ang hina-hunting, gusto natin isuplong siya ng brods.
l Asiwang-asiwa tayo sa trapo o traditional politician. Pero kung nagsisilbing matapat ang isang halal na opisyal imbis na nagbubulsa ng perang-bayan, tinutuya nating tatanga-tanga siya dahil hindi nagpayaman habang may pagkakataon.
l Matindi tayo tumuligsa sa mga bulok na sistemang halalan at pork barrel. Pero patuloy nating hinahalal ang mga magkakamag-anak na pulitiko -- ‘yung mga masisiba sa pag-kickback ng pork barrel.
l Gusto natin maggugol ng mas malaking pondo ang gobyerno sa edukasyon. Pero ngayong magdadagdag ng kindergarten para sa mga edad-5, at dalawa pang taon sa high school ay nagpoprotesta tayo.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com