Raid pampataas ng intelihensiya

Paksa ng usapan ng mga ilegalista sa Metro Manila itong Regional Public Safety Battalion o RMG ng NCRPO. Kaliwa’t-kanan kasi ang haribas ng taga-RPSB at pilit na inaarok ng mga ilegalista kung ito ba ay may basbas ni NCRPO Director Chief Supt. Nicanor Bartolome. Itong si Bartolome kasi, mga suki, ay nagdeklara ng “no take policy” sa mga pasugalan sa Metro Manila. Kaya sa unang bugso ng kaliwa’t-kanang raid ng taga-RPSB, buong akala ng mga ilegalista na kasama ito sa “no take policy” ni Bartolome. Subalit nitong mga nagdaang araw, itong sina SPO1 Arnold Sandoval at Ricardo Zhornack na kapwa ginagamit ang pangalan ni RPSB chief Sr. Supt. Jose Mario Espino ay tumatara na ng lingguhang intelihensiya sa mga ilegalista. Hindi pala pagsasara ng mga pasugalan at iba pang illegal ang nasa likod nitong malawakang raid ng RPSB kundi ang magpataas ng lingguhang intelihensiya. Di ba ayaw ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo ng ganyan? Maliwanag na sinusuway din nina Sandoval at Zhornack ang tagubilin ni Interior Sec. Jesse Robredo na walang pulis na mango- ngolekta sa mga pasugalan, di ba mga suki?

Ganito ang sistema ng RPSB para kumita Sec. Robredo at Gen. Bacalzo Sir’s. Sa mga nahuli nitong RPSB, karamihan sa kanila ay pinapatubos nina Sandoval at Zhornack. Kapag tinubos, ibig sabihin nyan, may kapalit na pitsa. Subalit ang mga nahuli ay kakasuhan din kaya goodbye na lang sa perang inilabas ng mga ilegalista. Ika nga’y may petsa na may akomplismint pa sina Sandoval at Zhornack. Kaya umaaray ang mga ilegalista dahil sobra ang gastos nila. Matapos maparusahan ang mga ilega-lista, ipinangalandakan pa nina Sandoval at Zhornack na wag pansinin ang iba pang operating unit ng NCRPO dahil laos o walang binatbat sila. “Ika nga, walang tibay ang mga ito. Ang RPSB lang daw ni Espino ang dapat big­yan ng lingguhang intelihensiya dahil me go-signal sila ni Bartolome. Owww? Tingnan natin!

Sa pagkaalam ko, me memorandum itong si Bacalzo na pinagbawalan ang lahat na RPSB o RMG na mang-raid sa mga pasugalan. Nais ni Bacalzo na ang laban kontra sa komunista, terrorismo at iba pang kalaban ng Estado ang pakikialaman nila. Maliwanag na hindi pinapansin ni Espi-no itong memo ni Bacalzo, di ba mga suki? Eh kung hindi sinusunod ni Espino itong si Bacalzo, baka pamarisan siya ng iba pang opisyal ng PNP natin?

Habang abala naman ang RPSB sa pang-raid ng mga pasugalan, tuloy naman ang operation ng Virtual 2 ni Eddie Boy Villanueva sa Paranaque City, Pasay City at Valenzue­la City. Binusog ni Villanueva ang mga mayor at police chiefs. Kasi kapag pinasok na ng tropa ni Villanueva ang isang lugar, ang lahat ng mga illegal na sugal ay ipapasara at ang kinikita ng mayor at hepe ng pulisya sa illegal ay sagot na nila. Ganyan ang namamayani sa ngayon sa tatlong siyudad ng Metro Manila at naiwang tulala ang mga lumang bangka doon. Kaya masaya sa ngayon itong sina Paranaque City Mayor Florencio Bernabe at Valenzuela City mayor Sherwin Gatchalian dahil milyon ang pumapasok sa bulsa nila. Abangan!

Show comments