KAHAPON pa lang ay nagsimula ng bumuhos ang mga taong papauwi sa mga lalawigan para sa Araw ng mga Patay.
Pagunita lang po sa lahat, tiyakin natin na ang ating mga tahanan ay hindi mapapasok ng mga kawatan. Baka pagbalik natin mula sa sementeryo ay wala nang gamit ang ating mga bahay.
Dito sa Metro Manila itinaas na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang “full alert status” upang matiyak ang seguridad sa pag-obserba ng Undas sa mga sementeryo.
Palibhasa, tuwing magdaraos ng Undas, hindi naiiwasan ang mga kaguluhan na bahagi na yata ng ating pang-araw-araw na buhay. Hindi lang kung Undas kundi araw-araw. Patayan, rape, madudugong sakuna at nakawan.
Pinakilos ni NCRPO director, Chief Supt. Nicanor Bartolome ang lahat ng District Directors ng Northern, Eastern, Quezon City, Southern at Manila Police Districts at mga station commanders upang lumakas ang kanilang seguridad sa mga nasasakupang lugar. Ito’y para hindi makaporma ang mga akyat-bahay.
Kahit may full alert status, dapat ay maging sigurista ang mga mamamayan. Siyempre, aalis tayo sa ating mga bahay patungo sa sementeryo. Walang tao sa bahay kaya iyan ang sasamantalahin ng mga masasamang-loob. Ang PNP ay lalaging nasa “full alert status”. Palagay ko, ngayon pa lang ay may operation plan na ang mga hinayupak na iyan.
For this reason, on-standby lahat ng puwersa, mobile patrol cars at maglalagay ng mga “police assistance desks” sa mga sementeryo sa Nobyembre 1 at 2. Pero siyempre sa mga sementeryo lang iyan. Mahalagang tayo na ang magpatupad ng sariling security measures sa mga iiwanan
nating bahay.
Patuloy na nanawagan si Bartolome sa publiko na magtutungo sa mga semen-teryo na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng armas, matatalas na bagay, gamit sa sugal, alak at pagpapatugtog ng malakas. Pinaalala rin nito sa mga aalis at magtutungo sa mga lalawigan na tiyakin ang seguridad ng kanilang bahay upang hindi mabiktima ng mga masasamang-loob.