ISA pang misteryo ang pagpapakamatay ng isang lala-king pasahero sa comfort room ng Gulf Air, habang papalapag sa NAIA. Napansin ng mga flight attendant na wala sa kanyang upuan ang lalaki. At nang tingnan sa CR, nagbigti at patay na.
Ayon sa mga imbestigador, asphyxiation o ang kakulangan ng hangin ang sanhi ng pagkamatay ni Marlon Cueva, isang OFW mula sa Abu Dhabi. Ayon pa sa mga ibang pasahero, tila balisa raw si Cueva, at panay ang paumanhin sa mga ibang pasahero sa kahabaan ng lipad.
Hirap ang mga kapamilya ni Cueva na tanggapin ang paliwanag ng mga otoridad hinggil sa nangyari kay Marlon. Ayaw tanggapin na nagpakamatay ang kanilang kapamilya habang pauwi na sa mga minamahal sa buhay. Panay ang tawag pa raw sa kanyang asawa at sinasabing mahal na mahal daw sila. Sa ngayon, ang ebidensiya ay nagtuturo sa kanyang pagpapakamatay.
Sa Gulf Air na naman nangyari ang kahindik-hindik na balita. Kung noon ay may isinilang na sanggol dito, ngayon naman ay nagpakamatay.
Mahirap talaga rin basahin ang isang tao na gusto nang mamatay. Dito makikita muli ang kahirapan na dinadaanan ng isang OFW. Maaaring hindi natin malalaman ang tunay na dahilan ng pagpaalam ni Cueva, pero maaaring ang kanyang pag-alis sa bansa, malayo sa kanyang mga minamahal sa buhay ay may kinalaman sa kanyang naging tadhana.
Dapat na rin sigurong idaan sa isang masusing psychological examination ang lahat ng mga paalis na OFW, hindi lang ang mga unang beses pa lang na paalis at mga domestic helpers lang. Kung kakayanin nga nila ang stress na dulot ng pagtrabaho sa isang dayuhan na bansa, kung saan ibang-iba ang kultura, at malayo sa kanilang mga minamahal. Kung may indikasyon na hindi kakayanin, huwag nang payagang umalis.
Si Cueva raw ay hindi na pinasailalim sa isang psych test dahil nakaalis na raw noon. Pero may okasyon na hindi rin lumalabas ang mga problema habang nandito, at lalabas na lamang kapag nandun na. Ganun na lang ang mga kailangang harapin ng mga OFW! Pero kung may matututunan sa insidenteng ito, idaan pa rin sa testing ang lahat. Kung kahit isa lang ay may matagpuan na hindi balansiyado ang pag-iisip at mahihirapan sa abroad, sulit na iyon.