KAHIT hinagupit ng isa sa pinakamalakas na bagyo ang Pilipinas, hindi masyadong grabe ang sinapit ng bansa. Marami kasi ang nag-ulat mula sa ibang bansa na halos mabubura ang Luzon dahil sa lakas ng bagyong tatama. Dumaan si “Juan”. Labindalawa ang kumpirmadong patay. Maraming bahay nga ang nasalanta. May mga malalaking istruktura na tumumba, lalo na sa Isabela na napuruhan ng bagyo. Pero hindi nabura ang Luzon, katulad ng sinasabi nila!
Karamihan ng mga bahay na tinangay ni “Juan” ay mga bahay na gawa sa mga magagaan na materyales lamang. Pangkaraniwan sa atin ang gumamit ng hollow block kapag nagtatayo ng bahay o anumang gusali at straktura. Kaya naman matibay ang ating mga bahay, na sanay sa bagyo. Kumpara ninyo ito sa nangyari sa New Orleans nang salantain ni Katrina ang siyudad. Halos walang nakatayong bahay. At bahay ito ng mga maykaya sa buhay, hindi mga mahihirap. Magagaang materyales rin kasi ang ginagamit sa paggawa ng bahay nila. Halos lahat ng bagay ay mabibiling buo na katulad ng mga pinto, bintana, dingding, bubong at kung ano pa. Bubuuin mo na lang! Kaya kapag binagyo, tangay din lahat!
Ang Bicol region ay sanay na sanay sa bagyo. Kaya halos lahat ng mga bahay doon ay gawa na sa hollow block, dahil ilang bagyo rin ang tumatama sa kanila sa isang taon. Kadalasan sila ang unang hinahagupit ng mga bagyo dahil sa kanilang lokasyon. Kalamidad na lang kapag mga imprastraktura ng kuryente ang nasisira. Pero kung hangin at ulan lang, may kasama pang bulkan, kayang-kaya!
May hangganan ang anumang bansa kapag bagyo na ang pinag-uusapan. Pero sa bagyong Juan na dumaan, masasabi ko na mas maganda ang ating naging karanasan kaysa noong “Ondoy” at “Pepeng”. Magaling na guro talaga ang karanasan. Wala nang may gustong maulit ang “Ondoy” at “Pepeng”, kaya nang parating na si “Juan”, naghanda na ang lahat. Pero kung sakaling maulit nga, mas handa na rin tayo. Masasabi ba ng mga ibang bansa iyan?