MAGLARO ka ng apoy siguradong masusunog ka.
Nag-istokwa (stow away) siya noong taong 2005... sumakay siya ng barko mula Davao papunta sa Maynila. Habang naglalakbay natanong niya sa kanyang sarili, “Ano ang naghihintay sa akin sa Maynila?
Nagsimula ang dagok sa buhay ng ‘complainant’ na nagsadya sa amin ng tumakas siya sa poder ng amang hindi niya makasundo. Sa hindi inaasahang pagkakataon, paghihirap pala ang kanyang dadanasin sa inakalang kalayaan sa pagsosolo.
Siya si Jean Facundo, 30 taong gulang ng Sta. Cruz Manila. Nagtrabaho siya bilang kasambahay. Naging tindera sa Divisoria at naranasan ding maglinis ng isda sa pagawaan ng sardinas. Hindi naging madali ang buhay ni Jean.
Nakisukob siya sa bahay ng kababayang napunta rin sa Maynila na si ‘Irene’. Dito niya nakilala ang dating asawang si Rodney Villalino o “Rod”, kaibigan ni Irene. Taong 1996 ng mag-live in sila. Nagkaroon sila ng dalawang anak. Si Rodney ang naging daan para magkaroon ng katahimikan ang dating magulong mundo ni Jean.
“Kinumpleto niya ang pagkatao ko. Walang pangamba kapag kasama ko siya,” pahayag ni Jean.
Ika-22 ng Marso 1999, parang isang masamang bangungot ang gumising kay Jean. Isang kapitbahay na si Anabel ang nanakbong kumatok at sumigaw sa kanilang pinto.
“Ate! Pumunta ka sa labas si kuya Rod... sinaksak,” sabi ni Anabel.
Nadatnan na lang ni Jean ang asawang nakabulagta sa sahig, duguan at hindi na makapagsalita. Sinugod sa Philippine General Hospital si Rod.
Tinanong niya kay Anabel ang umano’y tunay na nangyari. Ang mga susunod ay pahayag ni Anabel ayon kay Jean.
Tulog nun si Rod ng magising sa iyak ng inang si Emily. Pagbangon at nakita na lang niyang binubugbog si Emily ng kinakasama nitong si Roberto.
Inawat ni Rod si Roberto. Nagkasagutan ang dalawa. Pinagtanggol ni Rod ang ina sa amain. Itong si Roberto sa galit, sinaksak umano si Rod ng hawak niyang ‘ice pick’. Tumagos sa ‘spinal cord’ ni Rod ang panaksak. Limang buwan siyang nagbuno sa kanyang buhay, namatay rin si Rod.
Hindi malaman ni Jean ang gagawin ng panahong yun. Buntis siya, kabuwanan pa niya. Nung mismong burol ng asawa siya nanganak.
“Naging positibo na lang ako. Mahirap mawalan ng asawa pero nung isilang ko ang anak ko naisip ko... kailangan kong lumaban para maituloy ko ang bukas para sa aking anak,” wika ni Jean.
Nagsikap siya. Nagtrabaho siya bilang isang ‘beautician’ sa ‘parlor’. Nilabang niya ang sarili. Nawili siyang pumunta sa Luneta. Sa parke siya umiistambay. Binabalikan niya ang masasayang araw nung kasama niya pa si Rod.
Isang umaga taong 2008, isang sundalong taga bantay ng rebulto ni Rizal ang lumapit sa kanya, “Miss anung pangalan mo?”
“Jean... Ikaw?” sabi ni Jean. Sumagot ng sundalo, “Teresito Rabaja... Tutoy tawag sa akin”
Umalis agad si Jean matapos magpakilala ni Tutoy. Sinundan siya ng sundalo at sinabing, “Hindi ako masamang tao. Marines ako. Gusto ko lang makipag-kaibigan” Sabay abot ng kamay kay Jean.
Simula nun siya na ang ginwardyahan ni Tutoy. Binigay ni Tutoy cell phone number. Si Jean naman number ng kaibigan ang iniwan.
Maya’t-maya nagte-text itong sundalo. Dinaan niya sa pangungulit si Jean. Niyaya niya ito mag-videoke. Pumayag naman si Jean. Nagsimula sa ‘videoke hubbing’ lang ang dalawa bandang huli sa motel din ang tuloy.
Matapos ang mainit na ‘motel date’ umamin si Tutoy na may asawa at apat na anak. Pinili ni Jean ang magmahal kay Tutoy kahit alam niyang pangalawa lamang siya. Nag-live in sila sa Pasay.
Ilang buwan ang nakalipas at nabuntis si Jean. Sinabi niya ito kay Tutoy.
“Buntis ka? Ipalaglag mo ang bata,” mabilis na sinabi ni Tutoy.
Hindi pumayag si Jean. Itinuloy niya ang pagbubuntis. Umuwi ng Cagayan Valley si Tutoy. Inutusan niyang kumuha ng bagong mauupahan si Jean.
Abonohan muna daw ni Jean ang pambayad at pagbalik sa Maynila siya na ang bahala.
Nitong Hunyo naging madalang na ang pag-uusap nilang mag-asawa hanggang hindi na niya ito mahagilap. Nalaman na lang niyang nadestino na sa Fort Bonifacio si Tutoy. Pinuntahan niya ito. Bigo siyang makita si Tutoy. Nitong Hulyo nalaman niyang nagkasakit ng ‘tipus’ si Tutoy. Inisip niyang ito ang dahilan kung bakit hindi na nagparamdam si Tutoy at nagbigay ng pera sa kanya. Naghintay lang siya at nang lumipas na ang ilang buwan nag-alala na itong si Jean.
“Paano na ang panganganak ko? Anu hirap ba ang dadanasin naming mag-ina?” pangamba ni Jean.
Walong buwan ng buntis si Jean. Pagma-manicure at pedicure lang ang pinagkakakitaan nito. Naisipan na niyang humingi ng tulong sa amin.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Jean.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, una pa lang mali na ang pinasok ni Jean. Alam naman niyang may asawa itong si Tutoy.
Ikaw naman Tutoy, sundalo ka pa man din. Sinamantala mo ang kahinaan ni Jean sa pagkalumbay niya sa asawa. Bantay salakay ka pala. Aba, kung nakilala mo ang ‘biyuda ni Rizal’ baka pati yun pinatos mo manyakis ka!
KAPAG hindi mo pinanindigan ang bata tutulungan namin itong si Jean na magreklamo sa Chief ng Philippine Navy at ng Marines para madisiplina ka at masipa para sa ‘Conduct unbecoming of a soldier’.
Bukod pa sa ‘administrative action’ sasampahan ka rin ng asawa mo ng Violation of Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and Children sa ilalim ng section ng Economic at Psychological Abuse.
Pag-aaralan din ng mga abogado ng Integrated Bar of the Philippines kung maari kang ‘attempting to induce abortion’ dahil sa kautusan mong ipalaglag ang bata.
Sige Tutoy ituloy mo ang ginagawa mong pambababoy sa mga babae at makakaharap ka ng iyong karampatang parusa!
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com