MALAPIT na ang Todos los Santos kaya bayaan n’yong buksan kong muli ang paborito kong paksa na aking pet advocacy. Cemetree. Sementeryong walang puntod at musoleo kundi puro punong-kahoy. Ang mga yumao ay ililibing nang diretso sa lupa at tatamnan ng mga punong-kahoy na magsisilbing marker nila. Kundi man lilibing nang diretso, iki-cremate ang mga labi at ang abo’y ibabaon sa lupang tatamnan ng punong-kahoy.
Kung mauuso ang ganitong sistema ng libing, isipin n’yo na lang ang dami ng taong namamatay bawat saglit at iyan din ang dami ng puno na uusbong. At dahil likas nating iginagalang ang mga yumao, walang mangangahas na mamutol ng kahoy at ito’y mabisang solusyon sa tinatawag na global warming.
May ibinalita sa akin ang kaibigan kong journalist-environmentalist na si Dan Pacia na tumatakbo sa pagka-kagawad ng Bgy. Pinagkaisahan sa Cuenca, Batangas. Aprobado raw kay Cuenca, Mayor Ed Remo ang konseptong “cemetree.” Handa raw siyang maglaan ng several hectares ng lupain sa Mt. Makulot kasama na riyan ang pagtatalaga ng 500 square meters ng nursery para sa proyekto. Wow, iyan ang pilot area natin! Naku, salamat nang marami Mayor Remo at mabuhay ka! Malaking bagay ito para sa proteksyon ng ating kapaligiran. Tayong lahat naman ay papanaw din at dapat mag-iwan tayo ng magandang legacy para sa susunod na salinlahi.
Ayon kay Dan Pacia, ang bawat punong itatanim ay lalagyan ng marker ng mga “martyrs of the environment” o yung mga taong pinaslang ng mga illegal loggers dahil sa pakikipaglaban nila sa illegal logging. Magandang panimula iyan. Kulang ang espasyo natin para tunghan ang kanilang pangalan.
Bago lang ang konseptong ito at maaaring hindi pa maging kaakit-akit sa marami. Pero kung iisipin ang global warming bunga ng pag-unti ng mga punong kahoy na inuubos ng mga illegal loggers, malamang na mahikayat din silang sumuporta sa konseptong ito. Isa pa, ang mga sementeryo ay hindi na magiging lugar na katatakutan dahil magmumukhang parkeng pasyalan na puwedeng dalawin anumang oras na walang naglalaro sa guniguni.