Kalokohang hipnotismo ng Budol-Budol
NAAALARMA ang BITAG sa pagdagsa ng reklamo ng mga nabiktima ng Budol-Budol gang na dumadating sa aming tanggapan ngayong Oktubre.
Ang mga nabiktima at lugar na pinagganapan ng krimen, mga kilalang siyudad sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya.
Iisa ang tema ng kanilang sumbong, isang estrang-hero ang lumapit sa kanila upang magpatulong o kaya’y magtanong ng direksiyon papunta sa isang lugar.
Pare-pareho ang diskripsiyon na may dalang bag na puno ng perang ipinapakita sa kanila ang mga suspek.
Babae o lalaki na umano’y isang negosyante o bagong salta lamang sa lugar ang pakilala ng mga biglang lalapit na tao.
Iisa rin ang lumalabas na nagiging problema, matapos tumagal ang pakikipag-usap ng biktima sa estrangherong kaniyang kausap, nakukuhanan siya ng pera o mahahalagang bagay ng walang kahirap-hirap.
Paniwala at iisa ang dahilang lumalabas sa bibig ng bawat nabiktima, “na-hipnotismo” raw sila.
Nais matawa ng BITAG, dahil ang dahilang ito para sa amin ay isang malaking kalokohan.
Mas paniniwalaan namin na katangahan o maaari ring kagahaman sa pera ang pangunahing dahilan kung bakit nahuhulog sa patibong ng Budol-Budol ang sinuman.
Estilo kasi ng mga kawatang Budol-Budol na magpakita ng bungkos-bungkos na pera na nakalagay sa isang pouch o bag na ipapakita sa kanilang kausap.
Alok ang una nilang pakay, isa na rito ay ang pagkumbinsi sa kanilang biktima na maging “partner” kuno sa isang malaking negosyo kung saan kikita ng limpak-limpak ang ibibigay na capital ng biktima.
Ang pinakapopular naman ay pakikipagpalit ng gamit at pera ng biktima sa bungkos-bungkos na perang dala ng mga suspek. Ipapasilip nito ng madalian sa biktima ang perang nasa loob ng bag.
Kumbaga ang dating sa kakagat sa patibong na ito, walang talo o mas malaki ang kanyang kikitain dahil isang bag na puro pera ang kaniyang hawak.
Ang siste, sa bag ng pera ay sa ibabaw lamang pala tunay. Dahil ang gitna at ilalim ng pera ay puro papel na lamang, kaya nga sila tinawag na Budol-Budol gang dahil ang kanilang gamit sa pambibiktima, mga budol o pekeng pera.
Huwag na huwag makipag-usap ng matagal sa mga estranghero lalo na’t nasa kalsada kayo. Huwag magpasilaw sa mga perang ipinapakita at ipinapahawak sa inyo kapalit ng anumang bagay o serbisyo.
Maging alerto sa pakikipag-usap, maging pala-duda sa lahat ng bagay na maririnig sa iyong kaharap. Sa BITAG, patuloy kaming nagbibigay ng babala, ang susi upang hindi mabiktima ay ang inyong pag-iingat at pag-iwas.
- Latest
- Trending