NGAYON ay umpisa na ng kampanya para sa barangay at Sanguniang Kabataan elections. At nakikitang magulo ang kampanya sapagkat ang magkakalaban ay pawang nasa iisang lugar lang. Hindi katulad ng national elections na hindi magkakakilala ang kandidato. Dito sa barangay election, mayroong magkapitbahay na magkalaban sa pagiging barangay chairman. Malakas ang tensiyon at anumang oras ay maaaring sumiklab ang kaguluhan. Huwag lang magkadikit ang kanilang mga posters o streamers ay baka magkagirian na. Huwag lang may marinig na kontra sa kalaban ay magkakabakbakan na. Mas matensiyon at delikado ang idaraos na barangay eleksiyon sa Oktubre 25.
Noong Sabado naramdaman na ang kaguluhan nang papalapit na barangay elections. Isang municipal election officer at dalawang kasama nito ang inambus sa Lanao del Norte. Ayon sa report, ang pagpatay kay Pangalian Lumabao ay may kaugna-yan sa iregularidad sa election sa bayan ng Tangkal kung saan siya ang election officer. Gayunman, tini-tingnan din ang iba pang anggulo sa pagpatay.
Ang pagpatay kay Lumabao at mga kasama ay patunay lamang na nakaamba ang kaguluhan sa nalalapit na election. Tiyak na sa pagsisimula ng kampanya ngayon hanggang sa sumapit ang araw ng election ay marami pang krimen na magaganap. Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na may 2,300 barangays ang itinuturing na “hot spots” o nangi-ngibabaw ang kaguluhan. Sisiklab ang kaguluhan sa maraming lugar at tiyak na magkakaubusan ng lahi.
Maraming malalagim na nangyayari kapag may election sa Pilipinas. Noong 2007 elections, sinalakay ng mga armadong kalalakihan at mga pulis ang isang eskuwelahan sa Taysan, Batangas. Ang school ang ginagamit ng polling center. Sinunog ang eskuwelahan at kasamang naabo ang isang guro at isang poll watcher. Noong nakaraang November 23, 2009, minasaker ang 57 katao sa Maguindanao. May kaugnayan sa election ang karumal-dumal na pagpatay sa mga sibilyan.
Pangamba at takot ang nasa dibdib ng mamamayan kapag sumasapit ang election. At itong nalalapit na barangay election ay nagbibigay ng kaba. Paigtingin ng PNP ang pagbabantay. Kumpiskahin ang mga baril. Buwagin ang private armies. Magtalaga ng checkpoint para mapigilan ang karahasan.