Palpak

HANGGANG ngayon ay patuloy pa rin ang kidnapping na nagaganap sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na karamihan sa biktima ay ang mga lokal na negosyante sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Ang ilan sa pinakahuling biktima ay ang isang batang lalaki na anak ng negosyante sa Jolo, Sulu na dinukot malapit sa paaralan nito sa naturang siyudad. At dinukot din ang negosyanteng si Conchita Tan pagkatapos na pinagbabaril ang kanyang bodyguard at driver sa Cotabato City.

Hindi na rin kaila ang nagdaang kidnapping noon ng mga dayuhang pari at misyonaryo maging mga mediamen at ilang miyembro ng International Community of the Red Cross.

At hindi kaila sa lahat na malaking halaga ang katumbas ng kalayaan ng mga biktima na naging industriya na rin ang kidnapping sa katimugan.

Ang sinasabing nasa likod ng mga kidnapping ay kung hindi lawless elements ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na mga miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom group ay ang mga teroristang Abu Sayyaf naman at maging ang mga bandidong gumagala sa ilang bahagi ng ARMM.

Ngunit sa pagkahaba-haba ng panahon ay lumalabas na talagang pumalpak ang ating Philippine National Police maging ang Armed Forces of the Philippines sa pagtugis ng mga kidnapper.

Kung tutuusin ang laki ng intelligence funds kapwa ng PNP at ng AFP.

Subalit pumalpak ang dalawang pinagkatiwalaan sana na mga institution ng ating pamahalaan.

Huwag namang pahintulutang tuluyan na lang pumalpak ang ating PNP at AFP sa pagtutugis sa mga kidnapper.

Kung ito ay magpapatuloy mauubos na ang mga ne­gosyante sa bahaging ito ng bansa. Wala nang mag-iinvest sa ARMM kasi nga walang kasiguruhan ang ka­nilang seguridad.

Kung walang gagawin ang pamahalaan ni Pangu­ long Aquino sa problema ng kidnapping, patuloy ring malulugmok ang ARMM sa listahan ng mga poorest provinces ng Pilipinas.

Show comments