Manggagantsong money changer...
MAY bisyo ang isang money changer na ilang araw ding minanmanan at pinainan ng patibong ng BITAG matapos itong i-report sa aming tanggapan.
Kinakailangang hindi bababa sa $500 ang ipapapalit na pera ng isang kliyente. Dahil kung mababa sa hala-gang ito, hindi ka nila papansinin.
Nabuking ang dahilan sa likod ng bisyong ito ng nasabing money changer sa Maynila nang isang impormante ang nagpaabot sa aming kaalaman ng panggagantso ng notoryus na money changer na ito.
Ayon sa impormante, naipasara na raw noon ang money changer na ito dahil na rin sa patung-patong na reklamo ng panloloko.
Subalit kataka-takang nagbukas muli at tuloy ang negosyo ng panloloko ng money changer na ito na wala namang pangalan.
Isang nagngangalang Rose David at ilang retiradong pulis colonel at major umano ang may hawak sa money changer na ito kung kaya’t walang makatuldok sa kanilang panloloko.
Sa ilang beses na isinagawang surveillance at undercover operation ng BITAG, napatunayan namin ang mga impormasyong ito.
Ang estilo, sa unang bilang ng teller kumpleto ang halaga ng pinalit na pera. Ipapabilang nito sa ikalawang beses sa kostumer ang pera.
At para raw makasigurado, bibilangin naman muli ng teller ang pera sa ikatlong beses. Dito, isinasagawa ang di-pansing pagbabawas sa pera.
Kuhang-kuha ng BITAG concealed gadget ang pag-iipit ng pera sa kamay ng teller habang binibilang nito ang pera. Halatang hustler ang manggagantsong teller.
Kamakailan lang, naipasara ng Manila City Hall Bureau of Permits, kasama ang BITAG ang notoryus sa panggagantsong money changer na ito.
Nagbibigay babala ang BITAG sa lahat na huwag tangkilikin ang mga fly by night money changer.
Isa sa mga palatandaan ay walang pangalan o karatula ang nasabing establisyamento.
Magdalawang isip na rin kayong ipahawak ang inyong pera kung kaduda-duda ang itsura ng teller.
Huwag pumayag na ang tauhan o teller ng money changer ang huling bibi-lang ng inyong pera.
At ang gamit na patibong ng mga manggagantsong money changer na ito, mataas na halagang katumbas ng ipapapalit niyong pera.
Abangan ang segment na ito at laging paalala ng BITAG ang mag-ingat!
- Latest
- Trending