EDITORYAL - Turuan ng DSWD ang mga magulang

Tatlong buwan na pakakainin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang nasa day-care centers sa ilalim ng Supplemental Feeding Program. Ngayong buwan na ito nagsimula at matatapos sa Disyembre. Mula Lunes hanggang Biyernes ang pagpapakain. Ayon sa DSWD target nilang mapakain ang 1.5 milyong bata. Hangarin sa programa na maiwasto ang kinakain ng mga bata at mailigtas sa malnutrisyon. Ipinakain sa mga bata ang mainit na kanin at apritada. Ang kanin ay mula sa bigas na inimport ng gobyerno noong nakaraang taon. Balak ng DSWD na maging balanse ang pagkain ng mga bata kaya bawat araw, iba’t ibang pagkain ang ipagkakaloob. Sisiguruhin daw na masustansiya ang pagkaing ibibigay sa mga bata. Titimbangin din daw ang Tatlong buwan na pakakainin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang nasa day-care centers sa ilalim ng Supplemental Feeding Program.mga bata para ma-monitor ang kalagayan ng kanilang pangangatawan. Gagastos ang pamahalaan ng P1.2 milyon para sa feeding program.

Ang pagpapakain sa mga bata ay ginawa na rin ng nakaraang Arroyo administration. Nabahiran nga lang ng kontrobersiya ang feeding program sapagkat noodles ang ipinakain sa mga bata. Kinuwestiyon kung bakit noodles ang pinakakain gayung mas may masustansiyang pagkain na maibibigay sa mga bata. Ikinatwiran naman ng kontraktor na ang noodles nila ay may masustansiyang malunggay na sapat para sa nutrisyon ng mga bata. Lumalabas na sobra-sobra ang budget para sa feeding program. Kinansela ang feeding program kaya ang mga bata ang naging kawawa.

Ngayon ay panibagong feeding program naman ang sinasagawa at sana ay hindi ito maging katulad ng nakaraang administrasyon. Hindi sana patitikimin lamang ang mga bata sa una at sa mga sumunod ay kung anu-ano na lang na pagkain ang ipagkaka­loob. Dapat din namang turuan ng DSWD ang mga magulang ng mga bata na maging mapamaraan sa paghahanda ng pagkain ng kanilang mga anak. Huwag hayaang umasa na lamang ang mga ina o ama ng mga bata sa awa ng gobyerno. Imulat ang mga mata ng magulang na sila ang nararapat maghanda ng masustansiyang kakainin ng kanilang mga anak. Turuan ang mga magulang para hindi laging nakasahod ang kamay sa pamahalaan. Habang nilalagyan ng laman ang sikmura ng mga bata, punuin din naman ng kaalaman ang utak ng mga magulang na maging responsable at hindi laging naka-depende.

Show comments