ANG binayaran ni President Aquino para sa kinain nilang hotdog sa tanghalian ay $54 (katumbas ng P2,400 sa Pilipinas). Binili nila sa corner stand na malapit sa Sofitel Hotel kung saan nakatuloy sina Aquino. Kung ikukumpara sa kinain sa dinner nina dating President Arroyo noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng $20,000 (katumbas ng P1-milyon) ay talagang napakamura ng kinain ng Aquino delegation. Hotdog lang puwede nang makatawid sa gutom.
Puwede naman palang magtipid ang presidente at kanyang mga kasama kapag magtutungo sa US ay kung bakit hindi ginawa ng nakaraang administration. Nakalulula ang nagastos nila. Bukod sa pag-order nang mamahaling pagkain ay umorder din ng alak ang mga kasama noon ni Arroyo. Habang marami ang walang makain ay sangkatutak naman ang nilalantakan ng delegasyon ng dating presidente. Yung P1-milyon ay marami nang bituka ang mapapatahimik. Sa dalawang restaurant kumain ng dinner sina dating President Arroyo at kanyang delegasyon. Umano, ang nagbayad ng kanilang kinain ay ang dalawang kasamang congressman.
Ang pagkain nina Aquino sa hotdog stand na kakaunti lang ang gastos ay para ipamukha sa nakaraang administrasyon na kung gugustuhing magtipid ng presidente at kanyang delegasyon ay maaaring gawin. Walang hindi maaaring gawin kung gugustuhin.
Maliit lang ang gastos ng biyahe ng presidente. Sa isang mas murang hotel lang sila tumuloy si Aquino. Kaunti lang ang kasama niya sa US na hindi katulad ng sanrekwang kasama noon ni Arroyo.
Ang nakapagtataka lamang ay kung bakit nag-hire pa ng PR firm ang Aquino administration. Ang bayad umano sa PR firm ay P657,000. Bakit kailangang gumastos pa nang ganito kalaking halaga. Para na ring kumain nang mahal dahil sa ginastos sa PR firm. Hindi na kailangang may magpapabango pa sa admi-nistrasyon. Kung ang mga ginagawa naman ay para sa ikauunlad ng bansa at mamamayan, hindi na kailangan ang PR.