M ULA nang maupong hepe ng Philippine National Police (PNP) si Director General Raul Bacalzo, marami nang nangyaring krimen at tila ba hinahamon ang kanyang kakayahan. Lagi nang nasosorpresa ang kanyang mga pulis. Lagi nang atrasado ang mga ito sa pagresponde. Pagdating ng pulis sa pinangyarihan ng krimen, wala nang inaabutan kundi ang mga katawang nakatimbuwang. Ang masakit pa, pulis din ang nabibiktima ng mga kriminal.
Isang halimbawa nito ay ang nangyaring pagpatay sa isamg pulis noong Biyernes ng gabi sa Mindanao Avenue. Nakakahilakbot ang nangyari kay PO1 Efren Acoba Jr. sapagkat bigla na lamang siyang pinagbabaril ng isa sa tatlong carjackers. Nakabuntot si Acoba sa kinarjack na Honda Civic dakong 10:00 ng gabi nang maipit sa trapik. Sa pag-aakala ng mga carjacker na hinahabol sila ni Acoba, binaril siya ng ilang beses. Agad nang nagbabaan sa kotse ang mga carjckers at tumakas. Si Acoba ay isinugod sa ospital pero namatay din. Nang dumang ang mga pulis, wala na silang inabutan. Nilamon ng dilim ang mga carjackers. Nasaan ang mga pulis, gayung ang Mindanao Avenue ay isa sa pinakamataong lugar at maraming sasakyan? Kung may mga pulis na nagpapatrulya sa lugar, baka napatay din o kaya’y nadakip ang mga carjackers.
Ayon sa may-ari ng Honda Civic, ipinarada niya ang kanyang sasakyan para magdiliber ng paninda nang biglang lumapit ang tatlong carjackers at tinutukan siya ng baril. Naagaw ang kanyang sasakyan. Hanggang sa bumuntot doon ang nakamotorsiklong pulis na pauwi na sa Novaliches. Walang kamalay-malay na ang Honda ay na-carjacked.
Isa lamang ito sa mga krimen na nangyayari sa kasalukuyan. Marami pang nangyari mula nang maupo noong Setyembre 15, 2010 si Bacalzo. Maraming nangyayaring holdapan sa bus, FX at dyipni. Wala nang kinatatakutan ang mga kriminal at bumabanat nang bumabanat.
Ipakita ng bagong hepe ng PNP na kaya niyang lupigin ang mga kawatan at mamamatay-tao. Ipakita niyang mapagkakatiwalaan ang PNP at handang magsilbi, maglingkod at magprotekta.