Dear Dr. Elicaño, ako ay 50-anyos at nakasanayan nang maglakad tuwing umaga sa loob ng aming subdibisyon. Nitong mga nakaraang buwan ay napapansin ko na kapag nakaka-labinlimang minutong paglalakad na ako ay bigla akong susumpungin ng pulikat sa kanang paa. Halos hindi ako makalakad at namimilipit ako sa sakit. Sa gabi ay madalas din akong sumpungin ng pulikat. Ano ba ang dahilan nito at ano ang dapat kainin para maiwasan ang pulikat.” —ANTONIO DE CASTRO, Jordan Plaines, Novaliches, QC
Maaaring ang dahilan ng iyong pulikat (cramp) ay dahil sa gradual build-up ng lactic acid. Nangyayari ang pulikat habang nag-eehersisyo o maaari rin namang pagkatapos ng iyong paglalakad o pagtakbo. Maaari rin naman na dahil sa dehydration kaya ka pinupulikat. Nangyayari ito kapag ang klima ay napakainit o di kaya humid. Masyado kang pinapawisan at dahilan para ka ma-dehydrate. Payo ko, uminom ka ng isotonic drink para agad na mapalitan ang nawalang asin at tubig sa katawan.
Para maiwasan ang pulikat, uminom ng tubig bago magsimulang mag-ehersisyo. Makakatulong ang pagkain ng mayaman sa Vitamin B2 gaya ng cereals, yoghurt at lean meat. Ang pagkain ng mataas sa calcium at magnesium gaya ng dairy products, sardines, seeds at nuts ay mabuti rin para maiwasan ang pulikat. Ang pagkain nang mataas sa Vitamin E ay makatutulong para sa circulation ng dugo at maiiwasan ang pulikat sa gabi.
Tandaan, wastong nutrition ang epektibong paraan laban sa pulikat.