MARAMING leksiyon o aral na nakuha sa madugong hostage-taking at siguro pinakamaraming nakuha si President Noynoy Aquino. Unang-una nang aral na nakuha niya ay huwag magtitiwala sa kanyang mga inilagay na opisyal sa matataas na puwesto. Sumobra rin ang kanyang kumpiyansa sa mga police official na itinalagang magsasaayos ng hostage-crisis pero nagkamali siya. Naging karumal-dumal ang kinahinatnan sapagkat nang mapawi ang usok na hatid ng mga pulbura, walong Hong Kong tourists ang nakabulagta at naghihingalo at ang iba ay patay na. Pati ang hostage taker na si dating Chief Inspector Rolando Mendoza ay patay din. Hindi dapat nagtiwala si Aquino sa kakayahan ng mga police official. Dapat ang nailagay sa puwesto ay may sapat na kakayahan at dunong sa pakikipagnegosasyon.
Sabi ni Aquino nang interbyuhin ng tatlong TV stations, masyado siyang napikon nang makitang inaresto at pinosasan ng mga pulis ang kapatid ng hostage-taker. Unang-una raw na pumasok sa kanyang isipan ay kung sino ang nag-utos na arestuhin ang kapatid ng hostage-taker. Ang pag-aresto sa kapatid ang nagpalala sa sitwasyon. Nagalit na ang hostage-taker at namaril na ng mga hostage. Matinding aral kay Aquino ang pangyayari na dapat noon din ay kumilos siya at inalam kung sino ang nagpaaresto sa kapatid ng hostage-taker at noon din ay kanyang binagsakan ng tabak.
Kung mayroong dapat ginawa si Aquino nang nasa kritikal na kalagayan na ang hostage crisis, iyon ay ang personal na pagtungo sa pinangyayarihan ng insidente. At talaga naman palang naisip niya na magtungo roon kaya lang naisip daw niya na baka raw lumawak ang mga demand ng hostage taker. Minabuti niyang huwag nang magtungo roon. Isang aral iyon na hindi niya malilimutan. Kung itinuloy niya ang balak, baka nailigtas ang mga hostages at patuloy ang magandang relasyon sa Hong Kong. Siya lamang ang tanging makapagpapahupa sa galit. Puwede naman niyang pangakuan ang hostage-taker. Maaari namang sundin ang mga gusto nito. Ang mahalaga ay mailigtas ang buhay.
Pero hindi ganoon ang nangyari. Hindi siya kumilos. Wala siyang ginawa dahil nagtiwala. Hindi siya gumanap ng active role sa insidente. Pero ngayon meron na siyang aral sa pangyayari.