Saklaan at bold show
IPINASARA ni Pasay City police chief Sr. Supt. Napoleon Cuaton, ang mga bookies ng karera nina Toto Lacson at Boy Corcuera noong Huwebes. Ipinatigil na rin ni Cuaton ang bold show sa Miss Universal na nasa kanto ng F.B. Harrison at Libertad Sts. Kung ang sa tingin n’yo ito na ang hinihintay ng taga-Pasay na maalis ang taguri na “Sin City” sa kanilang siyudad, nagkamali kayo. Kaya isinara ang bookies ng karera nina Lacson at Corcuera ay dahil hindi nila nakayanan ang hinihingi na goodwill money. Di ba Mr. George del Rosario Sir? Ganundin ang sitwasyon ng Miss Universal, na halos 50 metro lang ang layo sa Pasay City Hall. Pakitang gilas lang ni Cuaton ang pagpapasara ng bookies nina Lacson at Corcuera at ang pagpapatigil ng bold show sa Miss Universal. Pag nagkasundo sila sa pitsa, tiyak balik ang illegal sa Pasay. Anong sey mo Mayor Tony Calixto Sir?
Ang sistema sa bookies ng karera ay tulad nang sa saklaan ni Aging Lisan. Ang gustong mangyari ni George del Rosario at Eddie Boy Villanueva ay maglagay din ng goodwill money ang tropa ni Lacson at Corcuera para maipagpatuloy ang bookies nila sa Pasay. Si Aging kasi ay naglagak ng P2 milyon sa tropa nina Del Rosario at Villanueva kaya tuloy-tuloy ang saklaan sa Pasay. Kahit saan me patay sa Pasay at may saklaan tiyak. Ang balita, si Aging Lisan na dating biktima ng kidnap for ransom, ang magiging bagong kapitalista ng bookies ng karera sa Pasay. Suwerte talaga ni Aging!
Kaya pala na-assign si Cuaton sa Pasay City eh tando-tando lang siya ng tropa ni Calixto, Del Rosario at Villanueva. Kaya naman umalis sa Pasay ang dating hepe nito dahil suwelduhan na lang siya nina Del Rosario at Villanueva. Hindi maatim ni Sr.. Supt. Raul Petrasanta ang kamalasan niya at minabuti na lamang na lumisan imbes na makipagtagisan kina Del Rosario at Villanueva. Sa ngayon si Petrasanta ang deputy chief ng Firearms and Explosive Division (FED) sa Camp Crame. Tahimik na ang buhay niya.
Ang balita pa, may sariling ikot si Cuaton kaya nakakahinga na siya nang maluwag. Hindi na siya hinihigpitan ng tropa nina Del Rosario at Villanueva dahil mukhang naka-right connect siya. Tiyak, puno na naman ang bulsa ni Sir. Sino kaya ang papalit kina Lacson at Corcuera sa Pasay? Abangan!
- Latest
- Trending



















