Limang buwan bago nag-umpisa!
SA wakas nag-umpisa na ang paglilitis kay Andal Ampatuan Jr., ang hinihinalang nasa likod ng pagpatay sa 57 katao, kabilang ang mga mamamahayag. Grabe ang ginawang pagpatay, ayon sa mga ebidensiyang nakita sa lugar ng krimen, at ayon na rin sa mga testigo sa korte. Limang buwan din ang dumaan, matapos ang ilang pagpigil sa pag-umpisa ng paglilitis. Natuwa naman ang mga kapamilya ng mga pinatay sa pag-uumpisa ng paglilitis, na tinutukan nila dahil napaka-makapangya-rihan ng kanilang kalaban. Ilang testigo rin ang nawala at hinala ay pinatay. Sa tingin ng mga kamag-anak at abogado ng mga pinatay, sinasadya ang pag-aantala ng kaso, para may oras pa ang mga Ampatuan at kanilang mga tauhan na manakot o “magligpit” ng mga testigo. Mabuti at nagsimula na ang paglilitis.
Medyo nawala sa balita ang Maguindanao massacre dahil sa hostage taking noong Agosto 23. Pero nga-yong nag-umpisa na, tiyak na susubaybayan ng lahat ang pagsulong nito. May mga pangamba na mauubos ang mga testigo o kaya’y tatagal nang husto ang kaso. Apatnaraang testigo ang nakahandang magsalaysay sa kaso, para sa prosekusyon at sa depensa! Doon pa lang ay tatagal na nga! Ano kaya ang mga malagim na kuwento nila bago naganap ang massacre? Pero anuman ang mangyari, kailangang magkahustisya para sa mga biktima ang kanilang pamilya. Dahil sa krimeng ito, nalagay ang Pilipinas sa pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag sa buong mundo!
Mahigit 100 tao ang namaril sa convoy nina Mangudadatu, at nilibing sa isang lugar sa Maguindanao. Hindi rin talaga masusukat ang kasamaan ng tao. Mga katulad nina Ampatuan at Rolando Mendoza. Mga kinupkop na ng diyablo ang mga kaluluwa, na tila walang pagsisisi sa kanilang mga nagawa. Tayo’y manalangin na maging mabilis ang pagtamo ng hustisya, at mapurasahan ang mga kriminal!
- Latest
- Trending














