Editoryal ­- Imbestigasyon ng Department of Justice

MANILA, Philippines - M AAARING bukas (Miyerkules) o Huwebes ay mayroon nang resulta ang imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Justice (DOJ). Dapat kahapon tinapos na ang imbestigasyon at inihahanda na ang resulta ng report pero sabi ng investigating committee, kailangan pa nilang mag-extend ng ilang araw sapagkat meron pang tatanunging witnesses at mag­kakaroon pa ng reenactment sa nangyaring hostage drama. Walong Hong Kong tourists ang pinatay ng hostage taker na si dating police Senior Inspector Rolando Mendoza. Ang madugong trahedya ay nagi­ging banta sa pagkalamat ng relasyon ng Pilipinas at Hong Kong.

Ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng DOJ ang kailangang maibigay sa Hong Kong authorities sa lalong madaling panahon para ganap na mabu­husan nang malamig na tubig ang nararam­damang galit ng mga taga-Hong Kong. Sa nangya­ring hostage taking, agad na nagbigay ng warning ang Hong Kong sa kanilang mamamayan na huwag mag­ tungo sa Pilipinas. Ang kautusan ay labis na naka­apekto sa turismo ng Pilipinas. Nabawasan ang mga dayuhang nagtutungo sa bansa dahil natatakot na ma­ulit sa kanila ang nangyari sa Hong Kong nationals.

Bago ang imbestigasyon ng DOJ, nauna nang nagsagawa ng imbestigayon ang Senado pero nakadi­dismaya sapagkat wala namang narating na resulta. Nakatikim lamang ng pagmumura ang mga opisyal ng Manila Police District (MPD) sa dalawang senador. Nilait-lait lamang ang mga ipinatawag sa kanilang imbestigasyon. Walang kinahinatnan sa­pagkat tila nagpapayabangan lamang sa pagtatanong ang mga senador.

Mabuti na lang at nagsagawa ng imbestigasyon ang DOJ kung saan ay malayung-malayo sa gina­gawa ng mga maaangas na senador. Walang mari­rinig na pagmumura o panlalait sa mga witnesses bagkus ay mahinahon ang mga pagtatanong. Kaya naman, nasubaybayan nang mga manonood at taga­pakinig ang imbestigasyon. Malinaw na nasusundan ang mga pangyayari sapagkat maayos ang pagta­tanong at walang kaguluhan.

Sa takbo ng imbestigasyon ng DOJ, magkakaroon ng magandang resulta at malalantad ang kato­tohanan. Mananagot ang mga may kasalanan sa palpak na rescue at mabubuhusan ng tubig ang poot ng mga taga-Hong Kong.

Show comments