Sana ganito, sana ganun
SA ginagawang imbestigasyon sa naganap na hostage taking kung saan walong turistang taga-Hong Kong ang namatay, inamin ng SWAT leader na si SPO3 Alfonso Gameng sa Incident Investigation and Review Committee na wala silang tiwala sa mga kagamitan nila. Sinabi ni Gameng na masyadong mahaba ang dala nilang M16 na hindi bagay sa masikip na lugar katulad ng bus, lumang-luma na rin daw ang kanilang bullet-proof vest at wala silang night vision goggles. Si Gameng ay isa sa tatlong SWAT leader na sinibak dahil sa kapalpakan ng rescue. Nagsanay daw sila nang husto bago nilusob ang bus. Pero hindi raw nila alam na plexiglass ang bintana ng bus kaya nahirapan silang basagin. May nakaharang na patay sa may pinto kaya hindi nila mabuksan.
Naiintindihan ko ang hinaing ni Gameng ukol sa lumang kagamitan. Naiintindihan ko rin ang kanilang binanggit na sila-sila na lang ang nagsasanay dahil wala namang programa para sa kanila para magsanay nang madalas at para sa iba’t ibang klaseng sitwasyon. Kasalanan ito ng PNP, at ng gobyerno na rin kung hindi nabibigyan ng sapat na pondo ang kapulisan para magkaroon ng mga modernong kagamitan at madalas na training. Pero kung nakakapagpadala ng mga heneral sa mga convention sa ibang bansa, ibig sabihin may pondo ang PNP! Nagagamit lang ng mga matataas na opisyal na umaalis naman kapag masama na ang sitwasyon sa isang krisis tulad ng binanggit ni Vice Mayor Isko Moreno!
Pero may malaking pagkakamali rin ang SWAT. Kung nagsanay pala sila sa hostage rescue, bakit hindi nila inalam ang lahat ng detalye ukol sa bus na ginamit? Puwede naman nilang tawagan ang Hong Thai Tours at itanong kung saan gawa ang mga bintana ng bus, kung salamin o plexiglass! At kung alam nilang kulang sila sa kagamitan, bakit sila ang lumusob kung nandun na rin naman ang Special Action Force na mas may kumpletong kagamitan katulad ng frame charge para sa bintana! Ayon kay NCRPO Chief Leocadio Santiago, hindi ginamit ng ground commander na si Chief Superintendent Rodolfo Magtibay ang SAF dahil kaya naman daw ng MPD-SWAT commanders ang sitwasyon.
Nagiging malinaw na kung sinu-sino ang mga dapat sisihin sa nangyari. Mga pinuno na wala talagang ginawa para sa sitwasyon. At may halong pulitika pa, katulad ng pagbibigay go signal sa MPD-SWAT at hindi sa SAF. Hindi mahalaga kung sino ang nakagawa ng rescue. Mahalaga ay ang pinakamagaling dapat ang gumagawa ng rescue! Pulitika ang sumisira talaga sa lahat ng bagay sa ating bansa. Ang mahalaga ay matapos ng mapayapa ang sitwasyon. Kung hindi naman makuha ng mapayapa, dapat ang hostage taker ang pinabagsak kaagad, katulad ng sinabi ni Chief Inspector Romeo Salvador. Pero my utos daw na huwag muna! Pulitika.
Likas talaga sa kultura natin na dapat may mangyaring masama bago mabago ang ilang patakaran, kagamitan, tungkulin at kung anu-ano pa. Kailangan may mga mamatay muna sa mga nahuhulog o nababangga na bus, kailangan may lumubog munang barko, kailangan may maraming mamatay sa isang nasusunog na masikip na hotel o club, kailangan may mamamatay na mga turista para malaman kung gaano kapalpak ang ating crisis management and response! Pero ang tanong, natututo naman kaya tayo mula sa mga trahedyang ito? O mauulit at mauulit lang!
- Latest
- Trending