SAMPUNG buwan na ang nakararaan nang walang awang pagbabarilin at sama-samang ilibing sa hukay ang 57 katao, 30 rito ay mga mamamahayag, sa Maguindanao. Sumama ang mga mamamahayag sa convoy ng mga tao karamihan ay mga supporters ni Ismael Mangudadatu. Hindi sumama si Mangudadatu at ang asawa lamang niya ang inutusan niyang magpa-file ng kanyang candidacy. Hinarang ang convoy ng mga armadong kalalakihan. Pinababa sa sasakyan at dinala sa isang madamong lugar. Doon sila minasaker. Inihulog ang kanilang katawan sa hukay. Ang itinuturong suspect sa pagmasaker ay si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan. Kasama rin sa sinampahan ng kaso ang kanyang ama, kapatid, kamag-anak at marami pang iba.
Mabagal umusad ang hustisya para sa mga kamag-anak ng mga biktima. At sabi, baka raw abutin ng ilang taon ang kasong ito. Hindi raw basta-basta ang kasong ito, ayon sa mga abogado. Kaya naman uhaw na uhaw na sa hustisya ang mga kaanak ng massacre victims. Gusto nilang malaman kung hanggang kailan sila maghihintay.
Kamakalawa, muli na namang naguho ang pag-asa ng mga kaanak ng massacre victims nang hindi matuloy ang trial sa mga akusado. Mayroong umiyak sa pagkainis at galit sapagkat nararamdaman nila kung paano sila balewalain. Lahat sila ay nagsiluwas sa Maynila para masaksihan ang paglilitis. Gumastos sa pamasahe. Inagaw pa ang perang pinamasahe na dapat ay ibibili nila ng pagkain.
Nababalot din ng takot ang mga kaanak ng biktima sapagkat makapangyarihan ang mga akusado. Maaaring pakilusin ang pera para sila ipapatay. At kung ganito anila na naipagpapaliban ang trial, hindi kaya palantandaan ito na nalalagyan ang korte para ma-delayed nang husto ang paglitis. Sabi pa ng kaanak, natatakot sila sa mga maaaring mangyari kung pawang postpone ang trial. Ano ang kahihinatnan nito?