'H'wag akong sisihin' - Lim

KAHANGA-HANGA si Manila mayor Alfredo Lim sa lahat ng opisyales na aking nakilala. Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos hinggil sa madugong hostage-drama sa Quirino Grandstand, nakuha pa nitong dumalo sa induction namin sa Manila Police District Press Corps (MPDPC) na ginanap sa National Press Club noong Biyernes.

Inamin ni Lim na nagkaroon nga ng lapses sa negosasyon at hindi dapat na isisi sa kanya dahil ang nag-provoke ng gulo ay ang kapatid ni dating Senior Insp. Rolando Mendoza na si SPO2 Gregorio Mendoza. Ayon kay Lim “Hindi dapat ibigay kaagad-agad ang hinihiling ng hostage-taker at hindi dapat magpakitang gilas ang mga pulitiko at sinu-sinong personalidad habang isinasagawa ang negosasyon dahil makagugulo.

“Trabaho lamang ng media ang mag-ulat sa nangyayari at iparating sa madlang people, iyan ang trabaho n’yong taga-media ngunit sana’y maging responsible kayo sa inyong trabaho upang hindi na muling maulit sa hinaharap.” Payo ni Lim sa aming mga mamamahayag. Nakahanda rin si Lim na sagutin ang mga katanungan oras na ipatawag siya ng Senado.

Bagamat halatang pagod si Lim nanatili ito hanggang sa matapos ang induction ng mga bagong Officer ng MPDPC 2010-2011 kung saan ako ang presidente. Ang iba pang opisyal ng MPDPC ay sina: Zony Esguerra, vice president; JR Reyes, secretary; Mer Layson, treasurer; Leonardo Basillo, auditor; Bong Son, chairman of the Board. Mga director sina Jonjon Reyes, Edwin Sevidal, Jun Adsuara, Edd Dollente, Marvin Empaynado, Erwin Aguilon, Rene Crisostomo, Roger Talan, Ed Gumban at Rene Dilan.

Inihayag ni Lim na makapapasok na sa paaralan ang anak ng mediamen na taga-Maynila. Magkakaroon din ng libreng ospitalisasyon sa lahat ng kasapi ng National Press Club. Naging masaya ang aming grupo nang magbigay ng dalawang computers si Lim upang madagdagan ang aming pangangailangan. Sa totoo lang, kulang ang aming computer sa press office dahil 164 ang aming myembro. Hindi sapat ang limang computers upang magamit ng reporters at photojournalist sa paggawa ng kanilang story and photo captioning. Ngunit hindi rin nagpahuli si AFIMA president Benny Antiporda na nag-donate rin ng isang set ng computer. At siyempre hindi magigiging masaya ang pagtitipon kung walang pagsasaluhang pagkain at entertainment. Ang naghanda ng pagkain ay si NPC president Jerry Yap na may kalakip pang financial assistance.

Sa ngayon unti-unti nang nababago ang MPDPC office. Mabuhay kay Mayor Lim! Nais ko ring pasa-lamatan sina NPC president Jerry Yap, AFIMA president Benny Antiporda, Joseph Lim at George Ching sa bukas palad na pagtulong.

Show comments