(Unang bahagi)
SA kabila ng pagkakaila, lumalabas ngayon na talagang may panukalang gawing legal ang “abortion” o paglalaglag ng sanggol. Ang mga aksyong ito’y nagpapatunay lang na ang tinatawag ng “reproductive rights” ng mga babae na nakasaad sa RH Bill ay talagang nagbibigay-daan hindi lamang sa “contraception” kundi abortion.
Ito ay isang mapangahas at agresibong aksyon dahil ito ay lumalabag sa Konstitusyon na pinoprotektahan ang buhay ng isang sanggol sa sinapupunan (Article 2, Sec. 12). Sa kasong ito, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang salitang “sanggol” o “bata” na ginagamit sa Seksyong ito ay tumutukoy din sa isang hindi pa naipapanganak na sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina.
Ito ay kaso ni Rolly empleyado ng isang kompanya ng bakal (CSMC) at miyembro ng unyon na may collective bargaining agreement (CBA) sa CMSC. Isa sa mga probisyon ng CBA ay ang pito hanggang 11 araw na pagbabakasyon may suweldo upang magluksa (bereavement leave) at death o accident benefits na nagkakahalaga ng P11,550.00 sa kahit na sinumang empleyadong namatayan nang kanyang lehitimong magulang, asawa, mga anak at kapatid.
Noong January 5, 2006 nanganak ang asawa ni Rolly na si Fe nang wala sa oras at nasa ika-38 linggo palang ang bata sa kanyang sinapupunan. Ayon sa Certificate of Fetal Death na may petsang January 7, namatay ang sanggol habang ipinanganganak dahil sa “fetal anoxia secondary to utero-placental insufficiency”.
Kaya noong January 9, 2006 nag-file si Rolly ng claim for Paternity Leave, Bereavement Leave and Death and Accident Insurance ayon sa CBA. (Itutuloy)