PARANG binubunot na ngipin, unti-unting lumalabas ang masasakit na katotohanan sa sablay na hostage rescue sa Luneta nu’ng Lunes.
Si Manila mayor Alfredo Lim pala ang namuno sa crisis committee sa hostage-taking na sibak na police captain Rolando Mendoza. Ito’y ayon kina on-leave Manila police chief Rodolfo Magtibay at Interior Sec. Jesse Robredo. Sumumpa si Magtibay sa Senado na si Lim ang nagpa-aresto sa kapatid ni Mendoza na traffic policeman dahil sa pakikialam sa hostage situation. Nagsisigaw ang kapatid na huwag pumayag si Mendoza sa 3 p.m.-deadline ng pulisya para pakawalan ang hostages, at sa pangakong rerepasuhin ang kaso niyang extortion. Ito raw ang nag-udyok kay Mendoza na barilin ang hostages. Pero matapos ang putukan, pinulaan agad ni Lim (hindi siya sumipot sa Senado nu’ng Huwebes) ang media sa pag-eere ng footage ng pag-aresto kaya umano naghuramentado si Mendoza. Ngayon alam na natin kung bakit gan’un ang bersiyon ni Lim.
Nagbibintang din sa media ang iba pang opisyales ng pulis na ayaw naman magpakilala. Pagtatakip lang ito sa sarili nilang kapalpakan:
(1) Hindi nila binawi ang official issue na M-16 rifle kay Mendoza bagamat sinibak na ito nu’ng Enero pa, kaya naipambaril sa hostages.
(2) Hindi inaresto ng Intramuros police si Mendoza bagamat gumala-gala ito na may dalang armalite, na labag sa procedures.
(3) Nauna pa sa crime scene ang reporters, bagamat may police station sa kanto ng Quirino Grandstand 150 metro lang ang distansiya.
(4) Nakalusot sa crowd-control cordon ang kapatid ni Mendoza na pulis na sukbit ang sidearm, isang bawal sa hostage negotiations.
(5) Hindi nagdala ang SWAT ng gasmasks bagamat 11 oras sila nagpaplano ng teargas assault. Wala ring iba pang mahalagang kagamitan.
(6) Umasa si Magtibay sa SWAT imbis na sa Special Action Force na ensayado sa hostage rescue.
Papano matututo ang pulisya kung ayaw aminin ang pagkakamali?