“MAGSAKRIPISYO tayo”. Ito ang panawagan ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino kaugnay ng pagdiriwang kamakalawa sa ika-27 anibersaryo ng pagkakapaslang sa kanyang amang si yumaong Senador Benigno Aquino Jr.
May karugtong ang sinabi ni P-Noy. Magkaisa rin tayo sa pagtatrabaho tungo sa makabuluhang pagbabago sa ating bansa. Well and good.
Ang salitang sakripisyo ay hindi lang kay P-Noy nanggaling. Lahat ng mga naging Presidenteng sinundan niya ay nanawagan sa sambayanan na “magsakripisyo.”
Mula pa sa kanyang yumaong ina’ng si Presidente Cory Aquino ay naririyan na ang panawagang iyan. Ang dahilan pa ni Tita Cory kung bakit dapat magsakripisyo ay ang malawak na pinsalang idinulot ng nakaraang diktadurang pamahalaan. Isang situwasyong hindi madaling harapin.
Ganun din ang panawagan ni dating Presidente Fidel Ramos. Sakripisyo at pagtutulungan sa pagbabangon ng bansa. Dinugtungan pa ito ni Ramos ng “Kaya natin ito.” Oo nga naman. Kaya natin. Kayang tiisin.
Naluklok pansumandali si Presidente Estrada at sakripisyo pa rin ang “name of the game.” Tatlong taon lang nagtagal ang liderato ni Erap at siya ay napatalsik sa pamamagitan ng tinatawag na EDSA II.
Mula noo’y parang back to square one tayo. Lahat ng mga nakalipas na sakripisyo ay nawalan lahat ng bisa nang maupo si Gloria Macapagal Arroyo.
Nasawsaw sa sari-saring anomalya at iregularidad ang pamahalaang Arroyo kasama na ang klasikong “Hello Garci” controversy na sinasabing “malawakang pandaraya” para magkaroon siya ng second term. Alam na ng lahat ang iba pang ano-malya na hindi na natin ililitanya.
Naku po! Kay haba at kay tagal na sakripisyo ng nangyari! Pero hanga ako sa tibay ng mga Pilipino. Ilang taon ng nagsasakripisyo pero marunong pa ring tumawa at magsaya. Sige, habaan pa ang pagtitiis. Just-tiis is the name of the game.