Sakripisyo ni Ninoy ano ang ibinunga?
LUMIHAM si mambabasa Ernesto Labilles; bagay ilathala para sa ika-27 anibersaryo bukas ng pagmartir kay Ninoy Aquino.
Anang lumiham, ginantimpalaan ng kasaysayan ang paglaan ni Ninoy ng buhay para sa bayan. Kaya nagbunga raw ng dalawang presidente ang kanyang pamilya. Ginunita sa liham na unang nagbalak si Ninoy mag-presidente kaya’t nagsumikap maging kauna-unahan sa kung ano-ano: pinaka-batang mamamahayag mag-cover ng Korean War, pinaka-batang mayor, pinaka-batang senador, atbp. Pero nakatapat niya ang politikong kasing-sikat at talino, na nagmaniobra magpresidente nu’ng 1965, si Marcos. Nagpatuloy si Ninoy sa ambisyong magpresidente sa 1973, ngunit nag-martial law si Marcos sa naunang taon. Sa matagal na pagkalaboso, napanday si Ninoy mula sa materyal tungo sa espirituwal. Kinalimutan ang hangaring magpresidente. Sa halip isinakripisyo ang buhay para magkaisa ang mga kababayan na ipaglaban ang demokrasya. At ang ibinunga nga ay ang pagiging presidente una ng asawang si Cory at ngayon ay ang mahiyaing anak na Noynoy.
Naiiba nang konti ang aking pananaw. Para sa akin, tini-tingala ng mga Pilipino si Ninoy. Para sa kanila, nabahiran ng kagitingan ni Ninoy ang kanyang kaanak. Kaya’t iniatang sa asawa, at pagkatapos sa anak, ang pagsasaayos ng bansa mula sa dalawang rehimeng mapangulimbat at marahas, sina Marcos at Gloria Macapagal Arroyo.
Hinarap ng mamamayan ang mga kanyon at tangke nu’ng 1986 People Power Revolt upang patalsikin ang diktador, tapos ay niluklok si Cory upang pagsikapang ilatag muli ang demokrasya. Hinalal naman si Noynoy upang isakatuparan ang mabigat na pangakong “kung walang korap, walang mahirap,” na halaw sa bisyon ni Ninoy. Kumbaga, hindi gantimpala ang kina Cory at Noynoy, kundi dagdag pang sakripisyo.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending