NOONG Agosto 15, 1945, natapos ang World War II nang sumuko ang Japan, matapos bagsakan ng atomic bomb ng US ang Nagasaki at Hiroshima. Naging maliwanag sa Japan na mas marami pa ang mamamatay kung magpapatuloy silang lumaban sa isang bansa na may ganitong klaseng sandata na. Kaya naman tuwing Agosto 15, ginugunita ng buong mundo ang pagtatapos ng digmaan, kung saan milyon ang namatay.
Pero may isang lugar sa Japan na kontrobersiyal. Tila isang sementeryong-altar, kung saan pinararangalan ang mga patay na sundalong Japanese, kasama na ang mga kontrobersiyal na sundalo, katulad ng mga binansagang kriminal noong World War II. Mga katulad ni Heneral at Punong Ministro Hideki Tojo, na nag-utos sa pagpatay sa napakaraming sibilyan sa Asya, kasama na ang Pilipinas. Dahil sa sila’y nasentensiyahang mga kriminal, hindi raw sila dapat pinaparangalan, at lalong hindi dapat dinadalaw. Ang dating punong ministro ng Japan na si Junichiro Koizumi ang tumanggap nang matinding batikos para sa kanyang pagdalaw sa nasabing sementeryo. Ayon sa mga kritiko, tila pahiwatig ng Japan na wala silang ginawang kasalanan noong digmaan. Sa katunayan daw, sila pa raw ang inapi! At matagal na panahon din ang dumaan na ganito ang pag-iisip at paniniwala ng karamihan sa Japan. Dahil sila ang binagsakan ng atomic bomb, sila ang inapi. Para sa mga kamag-anak nating dumaan sa mga paghihirap noong giyera, hindi katanggap-tanggap ang ganitong paniniwala!
Kaya kakaiba naman ang katayuan ng kasalukuyang punong ministro ng Japan. Bukod sa hindi pagdalaw niya at ng kanyang buong Gabinete sa kontrobersiyal na sementeryo, humingi pa ng dispensa sa lahat ng bansang sinakop noong World War II. Isang bagay na hindi madaling gawin, dahil na rin sa kultura ng Japan. Kaya tumatanggap na rin siya ng batikos mula sa mga naniniwalang ang Japan ang inapi noong giyera! Pero tayo sa Pilipinas, alam natin ang katotohanan hinggil sa mga ginawa ng mga Japanese noong giyera. Kaya ang paghingi ng paumanhin at patawad sa mga bansa katulad natin ay malaking bagay. Kung hindi pa humihilom ang mga sugat na dulot ng giyera, ang kakaibang kilos ni Prime Minister Naoto Kan ay unang hakbang para masimulan na nga ang paghilom. Total, kasalukuyang maganda ang relasyon natin sa Japan.