AKO at ang aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ang buong pamilya Estrada ay buong-pusong bumabati sa lahat ng mga kapatid na Muslim sa pag-obserba ng “Holy Month of Ramadan.”
Base sa impormasyon ay tinatayang umaabot na sa humigit-kumulang na isang bilyon ang mga Muslim sa buong Mundo, at milyun-milyon sa bilang na ito ay mga Pilipino.
Ang Ramadan ay itinuturing na panahon ng pagpapatibay at pagpapalaganap ng espirituwalidad at kabutihan ng mga Muslim, gayundin ng paghingi nila ng pagpapatawad para sa anumang naging kasalanan nila, kasabay ng kanilang pagpupursige para sa paglilinis at pagdadalisay ng katawan, kalooban at isipan.
Naniniwala ako na kahit hindi Muslim o ibang relihiyon ay nagpapahalaga sa ganitong napakagagandang mga prinsipyo ng Ramadan.
Dito sa ating bansa ay lubos na nakikiisa ang aming pamilya sa panawagan para sa mapayapa at makabuluhang pag-obserba ng Ramadan.
Alam nating lahat na umiiral pa rin sa ating bansa ang napakatagal nang tensiyon kaugnay ng paghahangad ng ilang kapatid na Muslim na magsarili ng pamamahala nila sa kanilang lipunan at kultura.
Aaminin naman siguro nating lahat na ang usaping ito ay nagbunsod na rin ng maraming insidente ng sigalot at mga engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng ating pamahalaan at mga Muslim partikular sa Mindanao.
Hangad nating lahat ang kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao, bagamat sinasabing kumplikado ang usaping ito laluna sa harap ng mga pagkakataong may mga hindi napagkakasunduan ang gobyerno at ang mga kapatid sa naturang rehiyon.
Nawa, ang Ramadan ngayong taon ay magsilbing panibagong yugto ng mas malalim na pagkakaunawaan, pagtutulungan at pagkakapitbisig ng mga Muslim, Kristiyano at ng iba pang may sariling paniniwalang pangrelihiyon sa ating bansa.
Muli, ang pamilya Estrada ay nakikiisa sa mga kapatid na Muslim para sa makabuluhang pag-obserba ng Ramadan.