Ang pinagkakatiwalaan

SA aklat ng Karunungan ay ipinaalaala sa atin na ang pagpaparusa sa mga kaaway ay isang pagtawag na tayo’y di pababayaan ng Maykapal upang bahaginan tayo ng Kanyang kaluwalhatian. Ating dalisayin ang kabutihan at umasa tayong ibubukod tayo sa panganib ng kasamaan. Lubos tayong pagkakatiwalaan ng Panginoon. “Mapalad ang ibinukod sa bansang hinirang ng Diyos”.

Maging sa aklat ng mga Hebreo ay isinasaad na ka-lulugdan tayo ng Diyos kung tayo ay lubos na nananalig at nagtitiwala sa Kanya. Ang buhay nina Abraham at Sara ay isang ganap na pagtitiwala sa Diyos sa pagkakaloob sa kanila ng isang lunsod na kanilang itinatag. Maging sa katandaan at pagkabaog ni Sara ay pinagkalooban sila ng isang anak na naging simula nang pagdami ng kanilang mga supling na “kasindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan”.

Sa ating pagdiriwang ngayong ika-19 na linggo sa karaniwang panahon ay muling ipinaalaala sa atin ng Diyos na maging handa sa pagkakaloob sa atin ng kayamanan at kaharian. Sabi ni Hesus: “Ikinalulugod ng inyong ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” At ang kahariang ito ay ang ganap na kabutihan ng buhay at walang kasamaan. Ang buhay natin dito sa mundong ibabaw ay pawang paghahanda sa tunay na buhay sa kabila.

Ang buhay pala natin sa daigdig ay isa ring pag-iimpok “ng kayamanan sa langit, doon ay hindi magkukulang, walang magnanakaw. Kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso”. Ang mga pagbasa ngayon ay paalaala sa ating mga pananagutan. Kaugnay din ang ating presidente na si Noynoy. Itinuturing niya ang sarili tulad ng isang alipin na nakaaalam at handang sumunod sa kalooban ng kanyang Panginoon. Kagalang-galang na Presidente Noynoy “ang binibigyan nang ma­raming bagay ay hahanapan nang maraming bagay at ang pinagkatiwalaan nang maraming bagay ay pa­nanagutin sa lalong maraming bagay”. Ikaw ay maging tapat at matalinong alipin upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Hindi po kayo pababayaan ng ating Panginoon!

Karunungan 18;6-9; Salmo 32; Hebreo 11:1-2, 8-19 at Lk 12:32-48

Show comments