'Chop-Chop Queen (?)'
(Huling bahagi)
NUNG Miyerkules inilathala ko ang sulat na pinarating sa amin ni Gloria Sanguyo ‘Chop-Chop Queen(?)’ para makuha ang kanyang panig sa kasong kanyang kinasangkutan. Ang umano’y pagbenta ng isang ‘assembled’ 2007 model Hyundai Starex Van.
Tulad ng aking ipinangako. Ilalagay ko naman ang komento ko sa mga nilalaman ng sulat ni Gloria.
Una, ito’y nabili niya sa Kami Trading. Walang papeles sa kanyang ‘files’ na nagpapakita na ito’y binili niya sa Kami trading ang meron lamang ay nagbayad siya ng ‘tax’ na Php150,000. Magkano mo ba talaga binili sa Kami Trading yan Gloria?
Sinabi mo rin na nagkamali ang Land Transportation Office (LTO), Toledo ng pag-eencode ng ‘engine number’. Alam mo Gloria, nagpakilala kang nagtatrabaho sa LTO, Main. Ang buhay mo umiikot sa LTO. Alam mo ang pasikut-sikot dun. Nang lumabas ang rehistro, marami ng mali sa papeles. Una, inirehistro mo ito sa pangalang ‘Gloria Saguto’. Ang photo copy ay pinadala ko sa iyo kasama ang liham namin na nakuha namin sa LTO, Toledo.
Pangalawa, nagtataka ako kung bakit iba na ang engine number? Ang mga petsa na binabanggit sa papeles na galing Cebu ay April 3 at April 18, 2007. Bakit ibinenta mo yan sa ‘pinsan’ mo na hindi ayos ang mga papeles.
Pumunta ka sa pinsan mong si Rodolfo Sanguyo o “Rudy” at inalok mo ang van na yan. Sa dami ng ekspiryensa mo sa LTO dapat inayos mo muna ang lahat ng iyan bago mo ibinenta. Ang ginawa mo dahil malakas ka sa LTO Main dito mo sinalo ang lahat. Inaayos mo ang papeles dito na Gloria Sanguyo na ang pangalan sa Official Receipt at D4 na ang makina. Kayo ba mga mambabasa ng pitak na ito magbebenta ba kayo ng hindi ayos ang papeles sa mga kamag-anak ninyo? Sakit ng ulo ang dulot niyan.
Nagtataka ako kung paano nangyari yan at sinubukan mo pang ipaliwanag kung paano maaring nangyari ito.“Based upon the series of interviews with importers there are number of cases wherein the Bureau of Customs (BOC) erroneously encode the engine number for reason that the latest engine design prevents BOC personnel from identifying the true engine number. It is probable that they stenciled the wrong number and stated the same in the certificate of payments (CP), which will now be the basis for registration.”
Alam mo palang may ganitong kalakalang nangyayari bakit walang proteksyon sa’yo ang buyer o ang pinsan mong si Rudy. Iyang binabanggit mo Gloria yan ay depensa mo kapag ang kasong ito ay lilitisin na sa Korte. Sa isang ‘preliminary investigation’ dahil sa kasong isasampa sa’yo ng pinsan mong si Rudy. ‘Probable cause’ lang ang hinahanap. Ano ang probable cause dito? ‘Gloria Saguto’ ang ginamit mong pangalan. Ipinarihestro mo itong D6E241359 sa Toledo pero ang original niya D4 ang makina. Dagdag pa sa sakit ng ulo mo ay ang dokumento o ‘joint affidavit’ na isinagawa ninyo ni Leo Adolfo, isang mekaniko na humihingi ng permiso mula sa Constabulary Highway Patrol Group para kayo ay mag-assemble ng isang Hyundai van. Ito ay nung Marso 23, 2007. Ang tanong ko kailan mo ba talaga binili ang Hyundai van sa Kami Trading? Maari mo bang ipakita sa amin ang mga papeles kaugnay sa pagkabili mo nito?
May nakapagsabi sa amin na ang katawan o porma ng Hyundai van nung mga unang taon ng 2004 hangang 2007 ay pare-pareho lamang. Ang makina naman na D6 ay lumang modelo yan. Maaring lagyan mo yan ng D4 na makina para mas mataas na maibenta yan. Hindi lamang iyon natuklasan ni Rudy ng ipaayos niya ang mga pangilalim ng sasakyan. Ang mga nakakabit gaya ng ‘rack and pinion’ ay mga pang modelong 1990’s ng Hyundai van. Ito ang dahilan kung bakit nasabi kong ‘chop-chop vehicle’. Ang mga pinagsama-sama at pinagkabit-kabit sa katawan ng isang van na 2007 model.
Ang magpapatibay dito ay ang joint affidavit na isinagawa n’yo ng mekaniko na humihingi ng permiso na mag-assemble ng Van. Ang lakas naman ng loob mong sabihn na ‘buyer in good faith’ ka nitong Hyundai van ngunit masasabi mo bang ‘seller in good faith’ ka?
Malaking problema ang dinulot mo sa isang taong tinagurian mong kamag-anak mo. Yung kahihiyan na makaladkad ka sa Bicutan ng mga elemento ng Anti Carnapping Unit ng Philippine National Police, National Capital Region Police Office (NCRPO). Ilang oras kang nandun na iniimbestigahan yung pang gagagong ginagawa mo? Na sasabihin mo na ika’y makikipagkita subalit hindi ka sisipot at kung anu-ano ang iyong mga dahilan?
“Flight is an indication of guilt.” dahil kung wala kang tinatago bakit hindi ka makipagharap sa pinsan mo upang makipag-usap. Ang lahat ng ito ay nag-papatunay na hindi ka maayos na kausap. Dapat maimbestigahan kung ika’y kasama sa isang sindikato na nagtitinda ng mga chop-chop vehicles at itong ipinatawag mo sa amin na si Francis Pineda ay kaalyado mo.
Huwag kang mag-alala kami ay nakikipag-ugnayan na sa tanggapan ni Jose “Ping” De Jesus, ang bagong Secretary ng Department of Transportation Communication (DOTC) para maimbestigahan kayong lahat diyan.
Hindi ko maiwasang isipin kung itong Hyundai van na binenta mo kay Rudy ay ang kauna-unahang sasakyan na inassemble ninyo at ibinenta sa ibang tao. Kasi sa sistema ng inyong ginagawa, kayo mismo ang nagrerehistro at nagre-renew sa LTO dahil nandiyan kayo sa loob at bulok ang inyong sistemang ipinatutupad. Ayaw ni Pinoy ng wang-wang, counter flow at higit sa lahat mga tiwaling kawani ng gobyerno tulad ninyo. Bilang na ang mga araw ninyo!
Nai-‘file’ na ni Rudy ang kasong Estafa o Violation of Art. 315-B at Falsification of Public Documents laban sa’yo Gloria Sanguyo (Saguto). Asahan ninyo, mga mambabasa ng kolum na ito na tutukan namin ito kay City Prosec. Jack Ang para mapabilis ang paglabas ng warrant of arrest laban sa iyo, maaresto ka at matigil ang iyong tiwaling gawain.
Nakakatakot na makatagpo ng mga taong nanloloko ng kapwa. Higit na nakakatakot ang makatapat ng mga taong nanloloko ng sariling kamag-anak.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending