Mga desisyon nating bumabago sa buhay

ANG buhay ay binubuo ng tali-tali nating mga desisyon na bumabago sa career, relasyon sa kapwa, at direksiyon ng buhay. Kung saan tayo ngayon sa negosyo o lipunan ay dahil sa pinili natin. Bagamat may sumasagabal na puwersang panlabas, sa huli ay depende pa rin lahat sa ating pasya kung susulong o susuko.

Pitong desisyon ang mariing bumabago sa ating buhay:

(1) Ang pasyang umunlad. Hindi otomatiko ang pag-unlad. Dapat naisin maturuan, at magsumikap. Kapag pinili mong huwag umunlad, mapapanis, yayabang, at lulubog ka.

(2) Ang pasyang magbigay. Walang tutumbas sa pagbigay ng iyong oras, talento at gamit miski libre. Kung pagtuunan mo ang kailangan ng iba, mapupunuan kahit paano ang pangangailangan mo.

(3) Ang pasyang makinig. Pampalapit sa kapwa ang pakikinig sa kanila. Kapag ibaling mo ang atensiyon mula sa sarili tungo sa kapwa, pahahalagahan ka rin nila. Kung ikaw lang ang nagsasalita, lalayuan ka.

(4) Ang pasyang maging kapaki-pakinabang. Tulad ng pagbigay, ang pagiging kapaki-pakinabang sa kapwa ay magbabago sa inyo at sa mundo. Kapag makasarili, makakalimutan ka ng mundo sa kamatayan.

(5) Ang pasyang gawin ang tama. Kapag matuwid ang tinatahak na landas, payapa ka sa sarili. Alam mo kung saan ka titindig sa isyu. Ang umiiwas sa mahirap ay nawawalan ng kaibigan dahil hindi maasahan.

(6) Ang pasyang alagaan ang kalusugan. Turo sa atin na templo ang katawan natin, pero turing natin ay kubeta. Pinababayaan natin ang pisikal. Ang pag-exercise o hindi, paglamon o hindi ay mga pagpili.

(7) Ang pasyang kumonekta sa mas mataas na kapangyarihan. Nakakadagdag ng enerhiya ang pagiging espiritwal. Nagkakapag-asa ka kung saan ang iba’y nanlulumo.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments