MANILA, Philippines - K UNG hindi pa na-carnap ang Camry ni dating Foreign Affairs Secretary Roberto Romulo ay hindi mabilis na masosolusyunan ang problemang carnapping sa Metro Manila. Kahapon, ay napatay na ang lider ng grupong nangangarnap ng mga sasakyan. Napatay si Ivan Padilla makaraang lumaban sa mga awtoridad na aaresto sa kanya sa Makati City. Bago ang pagkakapatay kay Padilla, tatlo pang kasamahan niya ang unang naaresto sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Ganoon kabilis ang Philippine National Police (PNP). Unang kinarnap ang sasakyan ng ama ni actor Derek Ramsey sa Tagaytay City. Isang araw ang nakalipas ang sasakyang Camry naman ni Romulo ang dinagit. Sumunod na araw, isang Toyota Vios ang dinagit uli. Ang mga sasakyan ay kinarnap makaraang tutukan ng baril ang mga drayber. Unang nabawi ang sasakyan ni Romulo nang masakote ang mga kasamahan ni Padilla sa Quezon City noong Huwebes. At naglaglagan na ang iba pang miyembro ng grupo. Kahapon nga, nalaglag si Padilla. Gamit umano ni Padilla ang kinarnap na Vios. Nakuha sa kanyang posisyon ang ilang armas. Umano’y balak na namang mangarnap ng grupo nang masakote ng mga awtoridad.
Kaya naman palang lutasin ng PNP ang pangangarnap e bakit ngayon lang ginawa. Kung hindi pa kinarnap ang kotse ng isang dating mataas na opisyal ay hindi kikilos ang PNP. Paano kung karaniwang mamamayan lang ang nawalan ng sasakyan, dadaan lang kaya sa kanang taynga ang reklamo? Gaano karaming sasakyan na ang nadagit ng mga sindikato? Napakarami na. Karamihan ay hindi na narekober. Nawalang parang bula at walang nagawa ang mga may-ari ng sasakyan kundi ipagpasa-Diyos ang pagrekober sa kanilang sasakyan.
Masagana at mapayapang buhay ang nais na i-offer ni President Noynoy Aquino sa mamamayan. Isama na riyan ang buhay na walang korapsiyon at mga paghaharian. Pero maipagkakaloob lamang ang mga ito kung mga alagad ng batas at iba pang awtoridad ay kikilos para ganap na maputol ang mga gagawa ng kasamaan. Nararapat na kumilos ang PNP at protektahan ang mamamayan, mayaman man o mahirap, sikat o kahit na ang karaniwang tao sa lipunan. Walang pinipili ang mga naatasang maglingkod.