PALAKAD-LAKAD, Pabalik-balik, humahalo sa dami ng taong nasa loob ng mall. Nag-aabang sa may entrance ng mall o di kaya’y sa baba ng mga escalators, namimili ng kanilang mga lalapitang prospect.
Kung mahilig kang mag-mall tiyak na nakikita, nakilala o di kaya’y nakatransaksiyon mo na ang tinutukoy na ito ng BITAG.
Sila ang mga tinatawag na customer service representative o CSR ng isang kumpanya.
Naka-uniporme ng pangalan ng kumpanya o produktong kanilang inaalok.
Iisa lang ang estilo ng mga ito, sa umpisa’y namimigay raw sila ng mga libreng health card.
At para makuha ito, kailangan mong magprisinta ng dalawang I.D. Isa dito ay ang pinaka-importante, ang iyong credit card.
Paalala, kung hindi ka gising at listo baka sa bandang huli ikaw ay magsisi. Tulad na lamang ng isang empleyadong lumapit sa BITAG, napagtantong nahulog siya sa patibong ng mga nagkalat sa mall na CSR.
Naengganyo raw siyang tanggapin ang mga libreng health card na ipinamimigay ng mga nagkalat na CSR sa isang mall sa EDSA Quezon City.
Para makuha niya raw ang nasabing health card, kinakailangan niyang pumunta sa kanilang opisina upang mai-activate ito.
Ang ipinagtaka niya, hindi raw sa opisina ng pangalan ng health card siya dinala kundi sa labas ng mall.
Saka niya lang nalaman na CSR ng isang kumpanya ng pre-need insurance ang kaniyang kausap. Hinanapan siya ng dalawang I.D at isa dito ay kaniyang credit card
Nang ibigay niya ang kaniyang credit card, nagkapit-tuko na sa kaniya ang mga CSR. Dito, dinala siya mismo sa loob upang ipaliwanag ang kanilang produkto.
Wala naman daw sana problema dahil maaaring makatutulong ang nasabing produkto sa kaniyang pamilya.
Subalit nagkaproblema lamang kung papaano siya hikayatin ng mga CSR na kunin ang produkto. May kataasan ang presyo nito kung kaya’t hiniling niyang babalik na lamang sa susunod upang makausap kung papaya ang kaniyang asawa.
Hindi umano siya nilubayan ng mga CSR bagkus, hininging muli sa kaniya ang credit card at ipapaalam daw sa kaniyang bangko kung papayagang ang transaksiyong gagawin sa kaniyang credit card.
Samakatuwid, ang reklamo ng empleyadong lumapit sa BITAG, na-pressure o nagipit siya ng mga CSR na kaniyang kausap…
Abangan ang ilan pang detalye sa sumbong na ito sa susunod na labas ng kolum…