SINASARIWA ngayon ang kapistahan ni San Juan Bautista Marie Vianney, patron ng Kaparian. Binabati ko rin ang aking profesor meus, si Most Rev. Angel N. Lagdameo, D.D. Arsobispo ng diosesis ng Jaro, Iloilo sa kanyang kaarawan bukas (Agosto 2) na noong araw ay kapistahan ng mga Angel sa kalangitan.
Nagsimula ang pagbasa ngayon sa aklat ng Mangangaral na nagsasaad na walang kabuluhan at walang halaga ang lahat ng bagay sapagka’t lahat ay may katapusan. Kaya’t anumang gawin ng tao ay pawang agam-agam. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Kaya ang dapat natin isaisip ay kapayapaan ng puso, damdamin at isipan. Ang Poon, ating tahanan, Noon, Ngayon at Kailanman.
Sa liham sa mga taga Colosas ay hinihikayat tayo ni Pablo na pagsumakitan natin ang mga bagay na nasa langit at hindi pawang mga makalupa na mga pita ng laman, kahalayan, mahalay na simbolo ng damdamin, masamang nasa, pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Hubarin natin ang dating pagkatao pati mga gawa nito at magbihis ng bagong pagkatao. Mababago natin ito sapagka’t ito ay ayon sa larawan ng Diyos.
Sa ebanghelyo ay ipinaaalala sa atin ni Hesus na mag-ingat tayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan. Sa talinhaga ay winika ng Diyos sa isang taong pawang paghahangad sa kayamanan at kaayusan: “Hangal! Sa gabing ito babawian ka ng buhay”. Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit, dukha naman sa paningin ng Diyos. Merong isang kuwento ng isang matandang lolo na tumama ng isang milyong peso sa lotto. Meron itong sakit sa puso na baka atakihin pagbiglaang malalaman. Kaya humingi ng tulong sa kanilang kaibigang pari ang mga apo. Padre Emil: Lolo Eyong, kayo po pala ay mahilig magpataya sa mga apo n’yo sa lotto. Lolo Eyong: Tama ka Padre, malay n’yo tumama ako! Padre Emil: E. kung kayo po ay tatama ng isang milyong piso ano po ang gagawin ninyo? Lolo Eyong: Isang milyon kamo, anong gagawin ko Padre? Padre Emil: Nagtatanong lang naman po ako lolo, kasi araw-araw pala tumataya kayo! Lolo Eyong: Madali po Padre, ibibigay ko sa inyo ang kalahating milyon! Padre Emil: A...e.. (bumagsak ang pari) Lolo Eyong: Anelo, apo, anong nangyari kay Padre Emil? Anelo: Inatake po, Lolo, dadalhin po namin sa ospital. Lolo Eyong: Gusto pala ng pera si Padre, nagdrama pa!
Mangangaral 1:2, 2:21-23; Salmo 89; Col 3:1-5, 9-11