NANG hepe siya ng Presidential Anti-Graft Commission, pinansin ni Eufemio Domingo ang isang kataka-takang ugali ng Pilipino. Muhing-muhi umano tayo sa katiwalian. Pero kilig na kilig tayo kapag dumadalo ang mga tiwali sa ating mga kasalan at binyagan.
Pinuna ni Domingo ang ugaling ‘yon dahil sa halip na makatulong sa paglaban sa katiwalian ay pinatatapang lalo ang apog ng mga tiwali. Dapat, ani Domingo, imbis na asikasuhin ang dumating na tiwali ay isnabin ito. Kapag lumapit raw sa umpukan ang isang kawatan, mainam na lumayo ang mga tao. Kapag pumasok ang korap sa restoran o sinehan, hiyain daw ng “boo.” Ani Domingo, pagtanggap ng lipunan ang isa sa pinaka-aasam ninoman. Kaya ang pagkakait ng pansin at pagtanggap ang isa namang pinaka-mapait na parusa. Hindi raw pagkabilanggo o multa ang pinaka-tatakutan ng tiwali, kundi ang kawalan ng respeto, palakpak at paghanga ng madla.
Simple ang mungkahi ni Domingo: Ipataw ang pinaka-masakit pero mabilis at madaling parusa sa mga kawatan; hiyain at laitin sila.
Ang panlalait ay may kakambal na sandata laban sa katiwalian: ang pag-gantimpala. Lahat ng tao’y umaasa ng “kabayaran” sa pagsusumikap niya. Ito’y maaring materyal na bagay o kaya’y pagkilala ng madla o kaya’y masarap na haplos ng minamahal. At ito rin ang dapat ibigay sa mga naghihirap sumaliksik at nagbibingit-buhay sa pagsiwalat ng katiwalian.
Nitong mga nakaraang taon maraming natiklong teroristang Abu Sayyaf dahil sa cash rewards na ibinibigay sa mga lihim na informants. Dahil din sa reward kaya nasuplong ang pagtatago sa Thailand ng
milyonaryong alaherong fugitive na Jose Ma. Panlilio. At marami nang nadaleng smugglers at tax evaders dahil sa 15% reward mula sa Customs at BIR. Dapat magpataw din ng gantimpala para sa mga magbubunyag ng nakaw na yaman ng mapangulimbat na Arroyo regime.