BAGO mag-eleksyon noong Mayo, magugunita na nagdesisyon ang Korte Suprema na si Roberto Pagdanganan ang tunay na nanalo sa eleksyon sa pagka-gobernador ng Bulacan at hindi ang nakaupong gobernador na si Joselito Mendoza.
Pero ang desisyon ay lumabas halos ilang linggo na lang bago matapos ang termino ni Mendoza, kaya ang suma-total, gulo sa kapitolyo ng Bulacan at sa tanggapan ng COMELEC. Halos mag-giyera-patani ang kampo ni Mendoza at Pagdanganan.
Manu-mano pa ang bilangan sa eleksyon noon. Ngayong naging computerized na ang halalan, akala nang marami’y maglalaho na ang problema. Hindi pala. Ngayon, mismong ang natalong vice presidential bet ng Liberal na si Mar Roxas ang nagharap ng protest sa Presidential Electoral Tribunal ng Korte Suprema laban sa kanyang nanalong katunggaling si Vice President Jojo Binay. Kinuwestyon ni Roxas ang mga milyun-milyong “null votes” o mga botong hindi nabilang dahil may de-pekto. Ibig ni Roxas na bilangin ang mga null votes na ito nang manu-mano. Para sa Korte, tama sa “sustansya at porma” ang protesta ni Roxas kaya ito’y tinanggap. May iba pang talunang kandidato na nagharap ng protesta. Karapatan nila iyan kung may ebidensyang sila ay dinaya.
Ang kuwestyon ay, magiging mabilis ba ang pagresol- ba sa mga protestang ito na simbilis ng pagbibilang ng computer sa mga boto nitong nakaraang eleksyon? Sa nakalipas na panahon, ang paghaharap ng electoral protests ay ginagawa rin ng mga talunang kandidato kahit sila’y hindi dinaya. Basta’t may “right connect” at “power of money” ay naipapalusot ang kanilang protesta kahit walang ebidensya.
Kakatwa nga na may mga beteranong political heavy weights na natalo ng mga bagito sa pulitika pero nagprotesta pa ang mga talunan!
Pardon me pero mahirap paniwalaan na ang isang baguhan sa politika na nanalo dahil may magandang reputasyon ay makukuhang dayain ang isang beteranong makapangyarihan at may salapi.
Totoo ang kasabihan. Walang natatalo sa eleksyon.
Puro nadadaya!