Nagpahiwatig ang pamahalaan ni Noynoy Aquino na isusulong ang tamang pagpaplano ng pamilya. Ang Department of Health (DOH) ay nagpapakita na ng pagkaunawa sa isyu ng Reproductive Health at nabubuksan ang kamalayan sa sex education kaya nararapat nang maituro sa mga kabataan. Kung hindi magbabago ng pasya ang kasalukuyang gobyerno maaaring mapigilan ang pagdami ng mga Pilipino na tinatayang aabot na sa mahigit 90 milyon batay sa pinakahuling census na ginawa. Ayon pa sa report, kung hindi magkakaroon ng population management, aabot sa 100 milyon ang mga Pilipino sa 2015.
Ang kawalan o kakulangan sa tamang pamamahala sa populasyon ang dahilan ng paglobo ng populasyon. Salat na salat sa impormasyon ang mamamayan sa tamang pagpaplano ng pamilya. Ang mga health center ay wala nang ginagawa para maipaalala sa mga ina o sa mga mag-asawa ang tamang pag-aagwat sa kanilang mga anak. Hindi malinaw kung mayroon pang seminar na ginagawa ang mga nagbabalak nang magpakasal. Noon, bago maikasal, kailangang sumailalim sa seminar upang malaman ang mga gagawin sa pagpaplano ng pamilya.
Sa loob ng siyam na taon na pamumuno ni President Arroyo, mabilis ang paglobo ng populasyon. Walang ginawang hakbang ang pamahalaan niya kung paano makokontrol ang pagdami. Kulang sa impormasyon ang mga ina. Sunud-sunod ang panganganak. Maraming kababaihan ang nalagay sa panganib dahil sa walang patlang nilang panganganak.
Noong dekada 60 hanggang 70, ang Pilipinas at Thailand ay halos nagkakapareho lamang sa dami ng populasyon. Pero ngayon triple ang dami ng mga Pinoy kaysa Thais. Namintina ng Thailand ang kanilang mahusay na pagma-manage sa populasyon. Doon ay bihira rin ang mga kababaihang namamatay sa panganganak sapagkat nasa tama silang pag-aagwat. Dito sa Pilipinas, kung sino ang nasa mga kawawang kalagayan, sila ang sangkatutak ang anak. Isang katibayan, na kulang sila sa impormasyon. Hindi sila ganap na naturuan sa tamang family planning.
Ngayong may pahiwatig ang pamahalaang Aquino na isusulong ang tamang pagpaplano ng pamilya at hahayaang makapili ang mag-asawa sa pamamaraan na kanilang gusto, maiiwasan ang paglobo ng mga Pilipino.