Ang kontrobersyal na Customs chief
PARA kay Sen. Jinggoy Estrada, dapat bigyan ng tsansa si Lito Alvarez na maglingkod bilang Customs Chief. Ito’y sa kabila ng kontrobersyal na pandaraya niya umano sa isang laro’ng golf.
Kabarkada pala ni Jinggoy at kalaro sa basketball si Alvarez. Personal daw niyang kakilala ito bilang mabuting tao. Kaya nanawagan ang batang Senador sa kanyang mga kabaro na bayaang patunayan ni Alvarez ang abilidad na pamunuan ang Aduana at ipakita’ng kayang pataasin ang revenue ng ahensya at puksain ang korupsyon.
Hindi ko personal na kilala si Alvarez. Pero sa mga pangyayari, nakikita natin na tama ang nakasaad sa Ecclesiastes 7:1 ng Biblia na kahit “isang patay na langaw ay puwedeng magbigay ng masamang amoy sa mamahaling pabango”. Ibig sabihin, ang maliit na pagkakamali ay nakakaapekto sa buong reputasyon ng tao.
Hot issue ang umano’y pandaraya sa isang golf game ni Alvarez sa Alabang Country Club. “Mortal sin iyan!” sigaw nina Sen. Tito Sotto at Serge Osmeña. Dapat daw ay “matapat at may integridad” ang isang public servant. Sumakay naman diyan ang media at naging paboritong paksa ng mga kolumnista ang usaping ito.
Kumampi naman kay Jinggoy ang tatlo pang Senador na sina Francis Pangilinan, Chiz Escudero at Ralph Recto. “Give Alverez the chance to prove his detractors wrong,” ang nagkakaisang pag-sang-ayon nila.
Sabagay, karamihan sa atin ay nakapandaya at one time or another in our life. Kung hindi man sa malalaking bagay ay sa mga maliliit na bagay. Bilang mga musmos na bata, nandadaya tayo sa ating mga kalaro. Bilang mga estudyante, nangopya rin tayo marahil sa ating katabi. Kung iyan ang basehan ng pagtatalaga o pagtitiwalag sa gobyerno, tiyak wala nang magiging kuwalipikado sa serbisyo publiko.
Sabi nga ng paborito kong lumang awitin ni Billy Joel: Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue.”
- Latest
- Trending