'Sumalisi'

(Unang bahagi)

Kinalap ni Monique Cristobal

“Huwag kang magbibintang sa iyong kapwa”… ika-siyam na utos. Ang paratangan mo ang isang tao ng pagnanakaw na wala namang sala ay isang mabigat na kasalanan hindi lamang na pinaparusahan sa ating batas kundi sa banal na utos ng Diyos.

Nung Lunes, Ika-28 ng Hunyo 2010, nang humingi ng tulong sa amin si Joel Balading. Tatlong gabi na kasing nakakulong ang anak ni Lorna na si Reynalyn sa Presinto III, Parañaque.

“Pumasok ka muna sa selda habang iniimbestigahan ka!” sabi umano ng mga pulis.

Dalawang taon nang naninilbihan bilang tindera si Reynalyn sa Ogielyn Meatshop. Pagmamay-ari ito ng mag-asawang Ogie at Merlita Alvarez. Stay-in si Reynalyn sa pamilya Alvarez. Tindera siya sa umaga, sa gabi naman tumutuloy siya sa bahay ng kanyang amo sa Golden City, Taytay.

Dating nakatoka kay Reynalyn ang meat shop ng mga Alvarez sa Palengke ng Pasig. Enero nitong taon nang malipat siya sa Bicutan Branch kung saan siya naging kahera. Kasama niya rito ang dalawang tindero na sina Jessie at Gary.

“Binibiro n’yo ba ko? Nasaan na ang perang tinali ko ng pera, Php70,000 ’yun ’di magandang biro ’yun?” nangangam­bang tanong ni Reynalyn.

Ika-24 ng Hunyo 2010, bandang na 10:30 ng umaga, tapos na ang shift ni Reynalyn. Nagbibilang na siya ng benta ng baboy. Ibinulto niya ang pera na nagkakahalaga ng Php70,000. Pagkalagay niya ng pera sa kaha, biglang may apat na kostumer na humabol sa pagbili.

Unang pumasok ang dalawang babae. Nagtanong ito ng presyo ng karneng pang-menudo. Wala nun ang dalawang kasama ni Reynalyn. Naglalagay ng mga tirang karne sa freezer si Gary. Si Jessie naman ay nasa banyo kaya’t si Reynalyn na ang nagbenta sa mga kostumer.

Habang nagbabayad ng karne ang babae. Panay naman ang kulit ng isang lalaking sumunod na pumasok sa shop, “Miss, magkano itong baboy? Magkano kalahati?”. “Nubenta pesos!” sagot ni Reynalyn.

Binilang ni Reynalyn ang bayad ng babae. Inisa-isa pa nito ang abot sa kanyang kamay. Mabilis nang umalis ang mga kostumer. Nang aktong ilalagay na niya ang pera sa kaha, na­pansin niyang wala na ang bulto ng pera.

Nataranta si Reynalyn. Buong akala niya, binibiro lang siya ng nina Jessie.

Hinalughog ni Reynalyn ang lahat ng sulok ng meat shop. Tiningnan din nila Jessie at Gary ang bag ni Reynalyn subalit wala silang nakita. Itong si Gary para hindi mapagbintangan, pinasilip din ang bag kay Reynalyn. Wala rin dun ang pera. Hindi mapakali si Reynalyn sa kakahanap. Naiwan siyang mag-isa sa store.

Tinext niya ang kanyang amo, “Ma’am ang pera po nawawala!”.

Makalipas ang 30 minuto dumating si Merlita sa meat shop. Pinagalitan si Reynalyn at sinabi umanong, “Ang tanga-tanga mo naman! Ikaw ang may hawak ng kaha hindi mo naban­tayan!”.

Matapos sermunan si Reynalyn umalis din agad ang kanyang amo. Si Reynalyn naman, sumakay na ng kanilang service pabalik sa Taytay.

Pagdating sa bahay pinagalitan na naman siya. Naintindihan naman ito ni Reynalyn kaya’t humingi siya ng tawad. Pinatawad naman umano siya nito.

Kinabukasan pinapasok siya ulit sa meat shop. Bandang 11:00 ng umaga nagulat na lang si Reynalyn nang dumating sa shop ang kapatid ni Merlita na si “Jing”. Kasama nito ang isang pulis na nakilala umano nilang si Valisno.

Kahit siya lang ang inimbita, sumama si Reynalyn papunta sa presinto III ng Parañaque. Pagdating ’dun, walang sabi-sabi, kinulong umano agad ang dalaga.

“Akala ko ba kakausapin lang ako. Bakit n’yo ako ipapasok sa loob ng selda eh wala naman akong kasalanan,” wika ni Rey­nalyn. Sinabi ng mga pulis na ’dun muna siya sa loob ng kulungan habang siya’y under investigation. Sa bahay naman ni Merlita, ginising ang tiya ni Reynalyn na si Maricel para magbantay sa pamangkin sa presinto.

Habang nakasay sa jeep, naisip niyang nakakulong ang pamangkin sa presinto kung saan kadalasan mga lalaki ang mga pulis. Maraming sumagi sa kanyang isipan. Ikinulong ba si Reynalyn kasama ang ibang kriminal na lalaki kung saan maaring magulpi ito o mamulestiya? Dahil kasong pagnanakaw, baka kung anu-anong kabastusang ginawa sa kanyang pamangkin. Baka Kinapkapan ito o hinubaran. Ang alam niya kailangan niyang makarating sa presinto sa lalong madaling pa­hanon.Pinakiusapan niya ang jeepney driver na tulinan ang pagpa­takbo ng jeep. Importante ang bawat minuto.

Nadatnan niya si Reynalyn sa loob ng selda... nag-iisa. Pagdating dun tinanong niya ang mga pulis kung anong kasalanan ng pamangkin. Alleged qualified theft sabi umano ng pulis.

Kinahapunan, bumisita ang kanilang amo sa presinto. Sa puntong ito dala ni Merlita ang isang kasunduan. Nakasaad umano dito na kinakailangang magtrabaho ni Reynalyn sa loob ng 23 buwan para mabayaran ang Php70,000.

Tatlong libo kada buwan ang ikakaltas sa kanyang sahod. Pilit umanong pinapipirma kay Reynalyn ang kasunduan. Tumanggi siyang pumirma dahil alam niyang wala siyang kasalanan. Iniwang naka­kulong si Reynalyn ng amo habang si Maricel naman ang bantay.

Ganap na 8:00 ng gabi, pilit nang pinauuwi ng mga pulis si Maricel. Tapos na raw kasi ang oras ng dalaw. Hindi pumayag si Maricel dahil alam niyang dapat niyang bantayan ang pamangkin na babae kaya’t nakiusap siya sa Chief Inspector. Pumayag naman ito. Ayon kay Maricel, tinatakot pa sila ng mga pulis. Ililipat na raw sa koreksyonal ang kanyang pamangkin.

“Marami raw tomboy sa koreksyonal, baka gahasain ako pag nilipat ako run kaya’t dapat pumirma na ’ko sa kasunduan,” kwento ni Reynalyn. Napapakapit siya ng mahigpit sa selda sa tuwing maririnig ang koreksyonal. Umiiyak nalang siya at naitatanong sa sarili, “Hangang kailan ba ’ko rito?”

Tiklop tuhod si Joel na nakiusap sa aming staff na si Monique Cristobal kung maari ay ilabas na ang pamangkin sa lalong madaling panahon.

“Baka dalhin na nga si Reynalyn sa koreksyonal, dise-otso anyos palang ang pamangkin ko wala pa yung alam sa mundo kawawa naman yun sa kamay ng mga tomboy sa loob ng kulungan,” wika ni Joel.

ABANGAN sa Biyernes ang karugtong ng seryeng ito. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972855. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments