NOONG kampanya, hindi tayo nakiisa sa mga kritiko ni P-Noy na ginawang isyu ang kanyang kawalan ng naipasang batas sa Senado at sa Kongreso. Hindi sa pagpasa ng batas mapupurbahan ang performance at ang kahalagahan ng isang mambabatas. Kasing importante nito ang kanyang pampublikong pagpupusisyon sa mga mainit na usaping panlipunan. Ito’y dahil pinapahiram ang timbang ng kanyang maimpluwensyang opisina sa paghubog ng pambansang opinyon.
Si P-Noy ay never nag-alinlangan na manindigan sa mga mabibigat na isyu. Sino ang makakalimot nang mag-isa niyang binuno ang laban kontra sa espesyal na distrito sa Camarines Sur na binuo para kay Dato Arroyo? Kahit pa napagpasyahan na ng dalawang Kamara – si P-Noy ay tinuloy ang pagkuwestiyon ng batas sa Mataas na Hukuman.
Ang isang isyu kung saan nanindigan din si P-Noy ay sa executive privilege. Malinaw sa kanyang mga statement bilang Senador na hindi siya sang-ayon sa pagkapon, ‘ika nga, sa kapangyarihan ng Senadong makakalap ng impormasyon para sa Bayan. Aniya’y ang pagkilala ng kapangyarihan ng Ehekutibo na tanggihan ang karapatan ng Publiko na malaman ang katotohanan ay karagdagang kapangyarihan sa isang napakalakas nang kagawaran ng pamahalaan. Nabibigyan ng delikado at hindi makatwirang panlalamang ang Ehekutibo na maari nitong abusuhin pagdating ng panahon.
Noong Lunes ay napag-usapan muli ang E.O. 464 at ang karanasan natin sa executive privilege sa ilalim ni Gng Arroyo. Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa, pinag-aaralan pa ang pagkilos na gagawin ng administrasyon sa larangan ng executive privilege. Tama lang na kwidaw muna si P-Noy – baka sa init ng tagumpay ay madala ito sa sulsol ng mga praning.
Dapat lang na isuka ang hindi makatwirang paggamit ng pribilehiyo – subalit mali rin na talikuran ang karapatang gamitin ito kapag lehitimong hiniling ng pagkakataon. Naipa-ngako man sa kampanya ang agarang pagbago ng patakaran, tawagin na rin nating pribilehiyo ng ehekutibo ang mag-isip muna ng mabuti at kung kailangan ay magbagong isip sa ngalan ng mahusay na pamama-lakad.