EDITORYAL - Linisin ang Customs
SA lahat ng tanggapan ng gobyerno, ang Bureau of Customs ang itinuturing na pinaka-corrupt. Pumapangalawa ang Bureau of Internal Revenue, pangatlo ang Department of Public Works and Highways. Sa Customs umano, ultimong janitor at guwardiya ay namemera. Ilang taon na ang nakararaan, napabalita ang isang empleado sa Customs na may bagong SUV at may mga paupahang pinto ng apartment. Ang sahod umano ng empleado ay wala pang P10,000. Naging kasabihan na kapag daw ang isang tao ay nakapagtrabaho sa Customs ay nagkaka-Hepa. Naninilaw daw ang katawan — dami ng alahas.
Marami nang naging commissioner ang Customs at lahat sila ay walang nagawa para maitigil ang corruption sa nasabing tanggapan. Ang masaklap pa, may mga commissioner na nakasuhan dahil sa corruption. Hanggang ngayon, may commissioner na hinahabol dahil may kaso sa Customs. Ang karumihan ng Customs ay hindi na maitatago. Kaya nangunguna sa pinaka-corrupt na tanggapan.
Tuwing magpapalit ng commissioner sa Customs ay nangangakong lilinisin ito sa mga corrupt na opisyal at empleado. Puputulin ang smuggling na pinalubha ng mga tiwaling opisyal at empleado. Pera-pera lang ang usapan para makapagpuslit ng kontrabando. Sa halip na sa kaban ng bansa, mapunta ang tariff duty, sa mga matatakaw na opisyal ng Customs ito napupunta. At ano ang aasahan sa ganitong masamang sistema? Laging kapos ang koleksiyon ng Customs. Paano ngang hindi kakapusin ay napunta na sa bulsa ng mga matatakaw ang pera.
Ang talamak na smuggling ang unti-unting pumapatay ngayon sa mga local na magsasaka. Ini-smuggle na ang sibuyas, bawang, asukal, bigas at marami pang agricultural products. Ibinibenta ang mga ito sa palengke na mas mura ang halaga. Siyempre, ang mura ang bibilhin ng consumers. Ang produkto ng mga local na magsasaka ay hindi mabili dahil hindi naman nila maibaba ang presyo. Matagal nang umaangal ang mga magsasaka sa talamak na smuggling pero walang makarinig.
Sabi ni bagong Customs commissioner Angelito Alvarez, lilinisin niya ang tanggapan. Binalaan niya ang mga smuggler at mga magtatangkang hadlangan siya para mabago ang imahe ng Customs.
Abangan ang katotohanan ng sinabi niya.
- Latest
- Trending