MARAMING napapailing sa Bureau of Customs sa pagkakahirang kay Angelito Alvarez bilang bagong hepe ng BoC. Si Alvarez ay dating pangulo ng Air21 at chairman ng Philippine Basketball Association na dito’y may koponan ang kanyang kompanya.
Conflict of interest ang idinadahilan kung bakit hindi ibinalik sa BoC si dating Customs Commissioner Guillermo Parayno ni President P-Noy kapalit ni Napoleon Morales na kusang nagbitiw dahil sa kaugnayan sa administrasyong Arroyo. Anang screening committee ni P-Noy, si Parayno ay pangulo ng dalawang kompanyang nakikipag-transaksyon sa BoC. Ito ang Webb Fontaine Pilipinas at E-Konek Pilipinas, Inc. Ito namang si Alvarez ay kagaya rin ni Parayno. Major stockholder din ng E-Konek Pilipinas, Inc. Kontrolado ng kanyang kompanyang Air21 ang 95 percent ng E-Konek. Mayroon ding balita na si Alvarez at tatlong kasamahan ang umano’y nandaya sa isang golf tournament sa Alabang Golf and Country Club. Pero sa kanyang pahayag, minamaliit lang ito ni Alvarez. Para bang isa lang laro ng golf na hindi man lamang tiningnan mabuti ang kanyang scorecard bago pinirmahan.
At mayroon pang malaking aberya sa pagpapalakad ng BoC. Ito ay si Deputy Commissioner for Management Information and Technology System na si Alexander Arevalo. Dalawang ulit nang naging OIC ng ahensya si Arevalo at ayon sa mga insiders, kontrolado ni Arevalo ang lahat ng datos na nauukol sa mga transaksyon sa customs.
Si Arevalo ang namahala sa computerization ng kanyang tanggapan kaya siya lang ang nakakaalam ng sikreto sa pagpapatakbo ng opisinang ito at wala nang iba. Kahit daw ang USAID na isa sa mga nagpondo sa computerization sa customs ay matinding pumupuna sa operasyon ng tanggapan pero dedma lang si Arevalo.
Ito mismo ang problema kung bakit noong nakaraang taon, nagkaroon ng deficit ang BoC na P500 milyon. Sa isyung iyan, si Arevalo lang ang makasasagot dahil siya lang ang nakakaalam sa record ng BoC na nakapaloob sa computer. Ummm, nasaan na ang transpa-rency?!!