BAGAMAT sa Maynila ako isinilang at lumaki, ang San Fernando City sa Pampanga ang aking probinsya. Diyan nagmula ang aking ina. Noong musmos pa ako, nagbabakasyon ako doon tuwing summer. Kami ng aking mga pinsan at kalaro ay nagtitinda pa ng Ever ice-cream sa mga bumibiyaheng provincial buses. Isa lamang maliit na bayan na hindi kinakikitaan ng indikasyong umunlad ang San Fernando noon.
Iba na ngayon ang San Fernando. Isa na ito sa mga umuunlad na lungsod sa Luzon. Kamakalawa, dumalo ako sa press forum ng Capampangan In Media, Inc. (CAMI) na ginanap sa Heroes Hall ng Lungsod at ang nag-host ay si Mayor Oca Rodriguez. Ang beteranong periodista at columnist ng the Philippine Star na si Dik Pascual ang Pangulo ng CAMI. Si Mayor Oca ay nasa ikatlo at panghuling termino na bilang alkalde at ang sunud-sunod niyang pananalo sa eleksyon ay indikasyon na may tiwala sa kanyang liderato ang mga Cabalen ko diyan.
Ang lungsod ay matatawag na matatag na sa kabila ng mga sigalot sa pulitika at mga natural na kalamidad ay hindi nahadlangan ang pag-unlad magmula ng manungkulang alkalde si Mayor Oca. Sabi ko nga sa kanya, sana’y magpatuloy ang kaunlaran ng lungsod kapag wala na siya sa poder.
Pero ano’ng malay natin, baka naman siya ang sumunod na gobernador ng lalawigang Pampanga at tingin ko’y mas lalawak ang kanyang teritoryong pauunlarin. Sabi ko sa kanya, pinasasalamatan ko ang mga repormang nagawa niya sa lungsod dahil ako’y taga-roon.
Hindi tayo basta pumupuri nang walang basehan. Kung magre-research kayo sa internet, Mayor Oscar Samson Rodriguez ranked fourth in World Mayor 2005.
Isa sa mga programa niya ay ang pag-akit sa mga investors at ang bilin niya sa kanyang mga tauhan na “walang kotong” dahil ito’y makakawala ng gana sa mga negosyanteng nais mamuhunan sa lungsod.