EDITORYAL - Wala nang wangwang Bang! Bang! meron

WALA nang maririnig na wangwang sa mga abusadong motorista. Tinupad ni President Aquino ang sinabi noong Hunyo 30 na wawalisin sa kalsada ang mga naghahari-harian. Siya man ay dumanas din na masingitan ng mga de-wangwang na sasakyan. Kinabukasan din, lahat nang mga may wangwang na sasakyan ay hinuli at binaklas ang mga nakakabit na pampayabang. Mula Hulyo 1 na mag-umpisa si Aquino sa pamumuno, hindi gumamit ng wangwang ang kanyang convoy. Tumitigil sila sa kapag nag-red ang ilaw. Sumusunod sa batas ng trapiko. Nakaranas maatrasado sa meeting sa Malacañang si Aquino dahil sa trapik.

Wala nang wangwang pero patuloy naman ang Bang! Bang! At hindi maganda ang nangyayaring ganito sapagkat taliwas sa mga pinangako ni Aquino nang manumpa siya bilang presidente. Sabi niya, “Ang sinumang magkamali ay kailangang humarap sa hustisya. Hindi maaaring patuloy ang kalakaran nang walang pananagutan at tuloy na pang-aapi.”

Noong Hulyo 3, tatlong araw makalipas ang inagurasyon ni Aquino, isang mamamahayag ang binaril at napatay sa Tabuk, Kalinga. Pinakakain umano ni Jose Daguio ang alagang aso, nang isang lalaking may dalang shotgun ang pumasok sa kanyang bahay at malapitang binaril. Tinamaan sa tagiliran. Isinugod sa ospital si Daguio pero namatay din makaraan ang ilang oras. Wala pang nadadakip sa pumatay kay Daguio. Si Daguio ang unang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration.

Noong Hulyo 5, dalawang araw makaraang patayin si Daguio, binaril at napatay din si Fernando Baldomero, konsehal at provincial coordinator ng Bayan Muna sa Kalibo, Aklan. Pinatay si Baldomero sa harap mismo ng kanyang 12-anyos na anak. Mabilis na tumakas ang suspek. Sabi ng Philippine National Police (PNP) gagawin nila ang lahat nang paraan para mahuli ang pumatay kay Baldomero.

Hindi raw ito-tolerate ng Aquino administration ang extrajudicial killings. Iimbestigahan daw ang mga pagpatay at mananagot ang may kagagawan.

Sa nakaraang administrasyon, maraming mamamahayag ang pinatay at hanggang sa kasalukuyan, wala pang naisisilbing katarungan. Umiiyak ang mga kaanak ng pinatay. Uhaw na uhaw sila sa hustisya.

Hindi sana matulad ang mga kaso ni Daguio at Baldomero sa mga nakatambak lang at nagkaroon na ng agiw dahil sa katagalang maresolba. Wala nang wangwang, sana matigil naman ang Bang! Bang!

Show comments