'Hiyaw'

SA liblib na lugar at bulubundukin kung saan hindi abot ng ating kapulisan, ang taong may itak at maitim na balak ang siyang naghahariharian.

Si Maria Gelene Acoyno, 35 taong gulang ay nagsadya sa amin tungkol sa kanyang inang 66 taon na sinaksak ng ilang ulit at nilalaslas ang leeg.

Ang tinutukoy niya ay ang inang si Merlie Divino nangyari ang krimeng ito sa probinsya ng Mon-bon, Can Avid, Eastern Samar.

Bagong kasal palang sila Merlie at Angel o “Litog” nakatira na sila sa Mon-bon. Meron silang katabing lupain dito kung saan sila nagsasaka kasama ang ilan nilang trabahador.

Lumipas ang maraming taon, nagkaroon na ng sariling pamilya ang kanilang anim na anak. Bumukod ang mga ito. Ang naiwan sa mag-asawa ay ang anak na si Jennilyn, 39 na taong gulang, isang ‘mentally challenge’.

Simula taong 1947 simple subalit masaya ang naging pamumuhay ng mag-asawa hanggang noong Ika-7 ng Disyembre 2007 nagbago ang lahat.

Bandang ala siete ng umaga, matapos mag-igib ng tubig ni Merlie sa katabing ilog. Naisipan niyang pumunta sa Cantitens (isang talipapa). Bibili kasi siya ng daing pangkain sa kanyang mga magsasaka.

Papunta palang si Merlie sa Cantitens ng salubungin umano siya ng dating nagtatanim sa kanilang lupa na si Jonito Jocosal mas kilala sa tawag na “Padag” at dalawa pang kalalakihan. Ama at kapatid umano ni Padag, ayon sa saksi.

Kwento ng testigong si Vilma Lebrilla, habang nagbu­bungkal siya ng kamote sa bukid nakita niyang magkasalubong na naglalakad ang tatlong lalaking armado umano ng Jungle bolo (isang uri ng panaksak).

Habang nagbungkal ng kamote si Vilma, nagulat nalang siya ng makarinig siya ng malakas na hiyaw ng isang babae na humihingi ng saklolo, “Bulig! Tambuligi ako niyo!” (Tulong! Tulungan niyo ko!).

Kinabahan si Vilma sa narinig. Gusto niyang tignan kung saan nanggagaling ang sigaw subalit pina­ngunahan siya ng takot!

Sumagi sa kanyang isipan na nakita niya si Padag at ‘notorious’ itong taong ito sa lugar nila kaya’t hindi malayong may masamang nagawa na naman ang taong ito.

Bandang 11:00 ng umaga habang dumadaan sa bukirin ng Mon-bon ang isang magsasakang si Samuel Hermano, sakay ng kanyang kalabaw nakita nalang niya ang isang matandang babae na nakahandusay sa damuhan.

Inakala ni Samuel na lasing ito. Sinigawan niya ang babae, “Sino ka?” Nilapitan ito ni Samuel. Nagulat nalang siya ng makita nang naliligo sa dugo ang babae. Ginilitan ang leeg... tadtad ng saksak sa katawan.

Nakilala niya ang babae na si Merlie. Mabilis na pinuntahan ni Samuel ang asawa nitong si Litog para ibalita ang nangyari. Magkasama nilang pinuntahan ang lugar, dun naabutan ni Litog ang asawa.

“Halos maputol ang kanyang leeg. Litid nalang ang nag­dudugtong dito. Labing apat ang saksak niya sa katawan. Maging ang Php500 nakalagay sa sakong dala niya wala na,” kwento ni Litog.

Agad naman rumisponde ang mga pulis Can Avid. Ika-12 ng Disyembre 2007 nai- ‘file’ ang kasong Robbery with Homicide sa Prosecutor’s Office Can Avid.

Tatlong taon na mula ng maisampa ang kasong ito subalit ayon sa pamilya Divino wala na silang balita sa kaso.

“Gusto naming makamit ang hustisya sa pagkamatay ng nanay ko ng matigil na ang pagsiga-sigaan ng pamilya ni Padag sa buong Can Avid at Mon-bon,” pahayag ni Len.

Sa ngayon nagtatago na umano ang mga suspek sa Maynila. Gustong alamin ni Len ang lagay ng kanilang kaso kaya naman naisipan niyang magpunta sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwento ni Len.

Bilang tulong inirefer namin siya kay Prosec. Romeo Galvez sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para malaman nila kung nalabasan na ng resolusyon ang kanilang kaso.

Masayang ibinalita sa amin ni Len na nitong Hunyo 16, 2010 nailabas na ang resolusyon. Nahanapan ng taga-usig na si Prov. Prosec. Roldan Guido A. Capito ng ‘probable cause’ para maiakyat ang kasong Robbery with Homicide sa Korte laban kay Padag at dalawang ‘john does’ o hindi pa nakikilalang mga lalaki.

Ipanaaalam din namin sa kanya na nitong linggong ito lalabasan na ng warrant of arrest si Padag.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, napag-alaman namin na si Padag, ay hindi lamang magnanakaw ng kalabaw kung hindi isa ring kilalang dupang sa ipinagbabawal na gamot. Ang paggamit ng droga ay nagreresulta sa pagbabago ng ugali ng isang tao at kadalasan mabilis nasasangkot sa mga krimen. Kahit na sa unang tingin ang kasong ito’y mukha ‘circumstantial’ nakitaan ng taga-usig ng ‘probable cause’ dahil sa mga pinagtagmi-tagming ‘pieces of circumstantial evidence’. Una, nakita ni Vilma ang suspek na kasalubong ang biktima. Pangalawa, nang puntahan ito ng mga pulis sa kanyang bahay nilisan na niya ito. “Flight is an indication of guilt”. Isama mo pa ang elementong ‘drug user’ siya at kilalang masamang elemento sa lugar na yun. Meron ng batayan para siya ang isipin na may kagagawan na brutal na krimen ng pagpatay sa isang matandang babaeng walang kalaban-laban.

Si Jinito Jocosal ay napabalitang nandito sa Maynila kaya’t nakikiusap ang pamilya ng biktima na ipagbigay alam niyo lamang ang kanilang kinaroroonan para mapanagutan niya ang kanyang krimen.

Ikaw Padag naghari-harian ka sa lugar na yan at naghasik ka ng kasamaan ngayon para kang dagang palay na naghahanap ng lungga para makapagtago.

 (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayong magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City  mula Lunes-Biyernes.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments