Kinailangan pa mabato
NALILIBANG ang mayamang executive na karerahin ang ibang kotse. Bigla na lang -- wham! -- may bumato sa tagiliran ng mamahaling Jaguar. Nagpreno siya, umatras sa pinanggalingan ng bato, at lumukso palabas. Mabilis na nilingon ang malaking yupi sa pinto, at sinalya sa pader ang nakitang bata. “Alam mo ba kung magkano ang sinira mo?” sigaw niya.
“Sorry po, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko,” nagmakaawa ang bata. “Ipinukol ko ang bato kasi walang ibang nais huminto.” Umiiyak siyang tumuro sa bangketa. “Si kuya, dumausdos at nahulog mula sa wheelchair. Di ko makaya buhatin.” Lalo napahagulgol: “Nasaktan siya.”
Hindi nakakibo ang executive. Mabilis binuhat ang lumpong kuya at iniupo sa wheelchair. Binunot ang panyong seda sa bulsa at pinunasan ang sugat at galos. Tiniyak na walang komplikasyon. “Maraming salamat po,” anang bata. Natauhan ang executive sa leksiyon: Huwag kumaripas sa buhay para kailanganin pang mabato upang makuha ang atensiyon mo.
* * *
Nagpaalam magretiro ang tumatandang karpintero sa kontratistang amo. Makakapiling niya ang asawa at mga apo sa konting naipon. Mami-miss niya ang lingguhang sahod, pero nais na niya nang magaang buhay.
Nalungkot ang amo na aalis ang mahusay na obrero. Pinakiusapan niya ito na ipagtayo siya ng isang huling bahay. Pumayag ang karpintero. Pero hindi naglaon nawala sa puso niya ang ginagawa. Bara-bara siya sa trabaho; mahinang klaseng materyales ang ginamit. Pangit ang pagwakas niya sa mahabang career. Nang matapos ang karpintero sa proyekto, nag-inspeksiyon ang amo. Iniabot ang susi ng bahay sa karpintero, at nagsabi, “Para sa iyo itong bahay, bilang pasasalamat ko sa tapat mong serbisyo.”
Sayang, naisip ng nabiglang karpintero. Kung alam lang niyang sariling bahay pala ang itinatayo, pinaghusay sana niya ito. Ganyan tayo madalas sa ating buhay. Padaskol-daskol lang, tapos magugulat na lang tayo na tayo pala ang magmamana sa binaboy na trabaho.
- Latest
- Trending